Itinuturing ang buhok ang "crowning glory" ng isang tao. Pero para sa ilan, lalo sa mga kalalakihan, problema sa kanila ang pagkapanot o pagkakalbo. Ano nga ba ang sanhi ng pagkapanot at paano ito masosolusyunan?

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Nico Waje, sinabing ang buhok ay binubuo ng protein na tinatawag na keratin.

Nahahati ang buhok sa dalawang parte: ang hair shaft o pisikal na buhok na nakikita sa isang tao, at ang hair root o katawan ng buhok na umaabot hanggang sa hypodermis, ang dulong layer ng balat.

Sinasabing may humigit kumulang na 100,000 na buhok sa ulo ng isang tao.

Ayon sa hair transplant surgeon na si Dr. Charmagne Salinas, ilan sa mga dahilan kung bakit nalalagas ang buhok ang stress o hormonal, lalo sa mga babaeng kapapanganak lamang at may post-partum hair fall.

Ang pinakamadalas na rason naman ng pagkapanot o pagkakalbo ng mga lalaki ay hereditary o pagkamana.

Paliwanag ni Salinas, androgenetic alopecia, o male o female pattern baldness ang tawag dito.

"'Yung testosterone, when it is converted to Dihydrotestosterone, 'yung DHT kung tawagin, nagko-cause siya ng miniaturization ng hair follicles natin, umiiksi siya nang umiiksi hanggang sa nawawala na siya," anang doktora.

Kaya isa sa maaaring solusyon ang hair transplant, kung saan kukuha ng buhok sa anumang parte ng anit o katawan na hindi apektado ng androgenetic alopecia, at ililipat ito sa bahagi ng ulo na nalalagasan ng buhok.

Sa kasalukuyan, hindi pa maaaring maging donor ang ibang tao para sa buhok na itatanim sa pasyente.

Sa ilalim ng hair transplant, maglalagas pa ang inoperahang buhok ng isa hanggang tatlong buwan, hanggang sa tutubo na ito sa ikaapat na buwan. Makikita ang resulta makalipas ang anim o pitong buwan hanggang sa isang taon.

Umaabot ng daan-daang libong piso ang halaga ng hair transplant, pero bawi naman daw dahil panghabambuhay na ito.

Tunghayan sa "Dapat Alam Mo!" ang kuwento ng isang lalaki na napanot na sa edad 22 pa lamang, pero muling bumalik ang confidence matapos sumailalim sa hair transplant. Panoorin ang video. --FRJ, GMA News