Hinahamon tayo ng Pagbasa na maging ilaw sa ating kapuwa (Mateo 5:13-16):  “Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan nila ang inyong Amang nasa Langit”. (Mateo 5:16).

ANG lahat ng nilikha ng Panginoong Diyos ay pinagkalooban ng kaniya-kaniyang kakayahan o talento. May kaniya-kaniya tayong talino at husay na maaari nating gamitin upang makatulong at mapakinabangan ng ating kapwa.

Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 5:13-16), matapos wikain ni Hesus na, “Kayo ang 'asin' ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?” (Mateo 5:13)

Ang Ebanghelyo ay hamon para sa ating lahat na gamitin natin ang ating talento na inilarawan bilang "asin" na napakahala nang panahong iyon. Ang talento ay dapat na maging kapaki-pakinabang, hindi lang sa ating sarili kung hindi maging sa ating kapuwa.

Sa mga nahalal sa katatapos na eleksiyon, magsisimula na sa susunod na buwan ang pagtupad nila sa lahat ng kanilang ipinangako noong panahon ng kampanya.

Ang itinuturo ng Ebanghelyo ay isang paalala para sa kanilang lahat kung papaano nila gagamitin ang kanilang “asin” upang tunay silang makapagsilbi sa kanilang mga nasasakupan.

Malalaman na ng mga tao kung totoong tagapaglingkod ang mga tao na kanilang ibinoto at pinagkatiwalaan. May alat pa kaya ang kanilang asin na mapakikinabangan o wala na nang kabuluhan at dapat na lamang itapon at tapakan?

Binanggit din sa Ebanghelyo na tayo ang "ilaw" ng Sanlibutan (Mateo 5:14), bilang mga mananampalataya ng Panginoong HesuKristo. Mayroon tayong tungkulin na maging liwanag o ehemplo para sa mga taong nakasadlak sa kadiliman sanhi ng pagkabulid sa kasalanan.

Ang liwanag na natamo natin mula sa Panginoong HesuKristo ang magsisilbing tanglaw upang sila’y akayin natin tungo sa liwanag. Kaya ang paalala sa atin ng Mabuting Balita ay ilagay natin ang ating liwanag sa tamang patungan upang mailawan ang lahat. (Mateo 5:15)

Tanungin natin ang ating mga sarili. Ako ba’y "asin" sa aking kapwa? Ako ba’y nagsisilbing "liwanag" sa aking mga kababayan? Isa ba akong mabuting ehemplo o isa lamang “pasaway” na mamamayan?

Ang mensahe ng Pagbasa ay para sa ating lahat na mga Pilipino, at hindi lang para sa opisyal ng bayan. Hinahamon tayo na gamitin natin ang ating “asin" at liwanag” para makatulong tayo sa pagpapaunlad ng ating bayan.

Sapagkat ang mga itinuturo ng Ebanghelyo o mga Aral mula sa Bibliya ay hindi lamang nakatuon sa pagpapayabong ng ating buhay “espirituwal” bilang Kristiyano. Pinapayabong din nito ang ating “espiritu” bilang tao para tayo’y maging isang responsableng mamamayan.

Lahat tayo ay mayroong taglay na talento at huwag natin itong hahayaan na nakatago lamang. Gamitin natin ito sa mabuting paraan na pakikinabangan ng iyong sarili at kapuwa. Ang bawa’t isa sa atin ay maaaring maging "ilaw" para maliwanagan ang kaniyang kapuwa.

Tiyak na ikalulugod ng Panginoon Diyos kung mayroon kang maaakay na kapuwa na nangangapa sa dilim tungo sa liwanag ng buhay. 

MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus. Tulungan Mo po nawa kami na maggamit ang aming "asin" at "liwanag" para makatulong sa aming kapwa. Huwag sana naming hayaan na mawalan ito ng silbi. Amen.

--FRJ, GMA News