Maaari nga bang ipatanggal sa trabaho ang isang tao dahil sa kaniyang pagiging "kabit" o pakikipagrelasyon sa may pananagutan na?

Sa programang "Sumbungan ng Bayan," ipinaliwanag ni Atty. Joseph Cerezo, na depende sa kontratang pinirmahan ng empleyado sa kaniyang kompanyang pinapasukan kung ipapatanggal siya sa trabaho dahil sa pagkakaroon ng bawal na relasyon.

Ayon kay Cerezo, hindi maaaring basta-basta na lang maipatatanggal sa trabaho ang isang tao kung walang kinalaman sa trabaho niya ang inirereklamo laban sa empleyado.

"Kung ang kabit ay nakagawa ng paglabag sa mga rules and regulations ng isang kompanya, o labag sa batas na may kinalaman din sa trabaho niya, may basehan siya para siya ay ipatanggal," paliwanag ng abogado.

Idinagdag naman ni Atty. Kristian Gargantiel, na mayroon ding mga pribadong kumpanya na may ipinatutupad na patakaran tungkol sa imoralidad na puwedeng maging daan para masibak sa trabaho.

Pero mas mabigat umano ang naturang patakaran na pinaiiral sa mga kawani sa gobyerno na nakasaad sa Civil Service Rule tungkol sa moralidad.

Ang mga kawani sa gobyerno na bumabagsak sa naturang pamantayan ay pinapatawan ng pagkakasuspindi sa trabaho ng anim na buwan hanggang sa isang taon.

Pero kung muling sasabit sa naturang kasalanan sa ikalawang pagkakataon, doon na siya maaaring alisin sa trabaho.

Panoorin sa video ang buong talakayam.--FRJ, GMA News