Marami ang nagulat at nag-alala para sa singer na si Justin Bieber matapos niyang ianunsiyo na mayroon siyang Ramsay Hunt Syndrome na dahilan para maparalisa ang kalahati ng kaniyang mukha. Ano nga ba ang sakit na ito at ano ang pagkakaiba sa kondisyon na Bell's Palsy?

Dahil sa Ramsay Hunt Syndrome, napilitan si Justin na kanselahin ang ilan niyang nakatakdang concert sa iba't ibang bansa upang matutukan ang kaniyang karamdaman.

Dahil sa Ramsay Hunt Syndrome, hindi maipikit ni Justin ang isa niyang mata. Hindi rin niya maigalaw ang kabilang bahagi ng kaniyang labi, at pati na ang ilong.

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ng 31-anyos na dentista na si Dr. Irene Joy Guevarra-Cesante, na natuklasan din niya na mayroon siyang Ramsay Hunt Syndrome habang nagvi-video noong August 2020.

Gaya ni Justin, bigla na rin lang naparalisa ang kabilang bahagi ng mukha ni Irene. Noong una, inakala niyang na-stroke siya o baka kondisyon na "Bell's Palsy" ang nangyari sa kaniya.

Pero nang magpasuri siya sa isang ENT (Ear Nose & Throat) doctor, doon na nakumpirma ni Irene na Ramsay Hunt Syndrome ang tumama sa kaniya at hindi "Bell's Palsy" na pareho rin ang epekto sa mukha.

Ang Ramsay Hunt Syndrome ay isang sakit na naapektuhan ang nerve sa mukha kaya napaparalisa ang bahagi nito. Ito ay dulot umano ng Varicella-zoster virus, o sanhi rin ng pagkakaroon ng chicken pox o bulutong.

"Kung nagkaroon ka na ng chicken fox before it's actually a risk factor para ikaw ay magkaroon ng Ramsay Hunt Syndrome," sabi ni Dr. Laurence Michael Vera Cruz, ENT doctor.

Bukod sa pagkaparalisa ng bahagi ng mukha, nagkakaroon din umano ng rashes ang mga tinatamaan ng Ramsay Hunt Syndrome. Puwede umanong tumubo ang rashes sa apektadong tenga, ear canal, sa dila, o sa ngalangala.

May sakit din na mararamdaman sa loob, na sa kaso ni Irene ay naramdaman niya sa kanang tenga.

Ayon sa "Pinoy MD," ilan sa sintomas ng Ramsay Hunt Syndrome ay pagkaparalisa bahagi ng mukha, pagkakaroon ng rashes sa loob at paligid ng tenga, pananakit at paghina ng pandinig, at hirap ipikit ang isang mata.

Ipinapayo ni Cruz na dapat magpakonsulta kaagad ang mga taong makakaranas ng naturang sintomas upang maagapan ang pagkaparalisa at hindi na lumalala.

Ayon kay Cruz, malaki ang tiyansa na makakarekober ang pasyente kung masusuri agad ilang araw matapos makaramdaman ang sintomas.

Pero kung lumampas nang pitong araw bago masuri ng duktor, sinabi ng duktor na ang peligro ng complete paralysis ay tumataas ng 50 porsiyento.

Sa kaso ni Irene, kaagad siyang nasuri at nagamot kaya nakarecover siya mula sa pagkaparalisa sa bahagi ng kaniyang mukha. Gayunman, mas humina na ang pandinig niya sa naapektuhang tenga.

Pero ano nga ba ang kaibahan ng Ramsay Hunt Syndrome sa Bell's Palsy na nangyari noon kay Angelu de Leon? Panoorin ang buong talakayan sa video. --FRJ, GMA News