Wagas kung makahilik at abot hanggang sa kapitbahay ang ingay na nililikha ng paghilik ng isang lalaki sa Caloocan City. Alamin ang dalang panganib sa buhay kapag sobrang lakas ng paghilik, at ano ang tamang posisyon sa pagtulog para maiwasan ito?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nababasag ang katahimikan ng gabi ng ilang kapitbahay ni Raymark Monsanto sa Bagong Barrio dahil sa malakas niyang hilik.

Maging ang misis niyang si Jhudine, naiinis na rin sa malakas na paghilik ng kaniyang asawa. May pagkakataon na iniaangat na ang ulo ni Raymark kapag natutulog para matigil ang lakas ng kaniyang paghilik na umaabot ng 20 segundo ang haba.

At kung minsan, tila nalalagutan na siya ng hininga.

"Todo-yugyog siya sa akin. Minsan sinasampal ako eh. Babatukan na naman ako," sabi ni Raymark tungkol sa paggising sa kaniya na may kasamang pagkakonsumi ni Jhudine.

Dahil dito, sa labas na minsan natutulog si Raymark sa sobrang lakas ng kaniyang paghilik.

Inamin ni Raymark na may mga bisyo siya ng paninigarilyo at pag-iinom. Kung minsan, maging sa inuman ay nakakatulog at humihilik siya.

Mula sa dating 75 kg na timbang, naging 94 kg na ang kaniyang bigat.

Para malaman ang kondisyon ni Raymark, nilagyan ng CCTV sa kanilang kuwarto para maobserbahan siya habang natutulog.

Dito nakita ang tindi ng kondisyon sa paghilik ni Raymark. Gumagalaw ang binti niya at parang nagsasalita habang humihilik.

Bahagya rin siyang nagising nang mabulunan habang natutulog sa kaniyang paghilik. Pero nang bumalik sa pagtulog, gumagalaw na pati ang kaniyang katawan at humahawak sa kaniyang dibdib.

Paliwanag ng mga espesyalista, nangyayari ang paghilik kapag nahaharang sa lalamunan ang hangin na hinihinga habang natutulog ang isang tao. Nagreresulta ito sa malakas na tunog na ginagawa ng lalamunan.

Karaniwang dahilan ng paghilik ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, obesity, stress, pag-inom ng mga depressant, muscle relaxant, at paghilata o pagtulog na nakalapat ang likod, ayon pa sa mga eksperto.

Ayon kay Dr. Jimmy Chang, sleep specialist at Head of Comprehensive Sleep Disorders Center ng St. Luke's Medical Center, Quezon City, kailangang kontrolin ng isang tao ang kaniyang timbang at bawalan ang pag-inom ng alak na nagpapalala sa paghilik at pagkawala ng oxygen.

Dagdag ni Dr. Chang, makatutulong ang positional therapy kung saan mas mataas dapat ang ulunan sa pagtulog ng isang tao, o kailangan niyang tumagilid ng higa.

Sinabi pa ng doktor na maaari ding magdulot ng pagkapagod ng puso at mababang level ng oxygen sa katawan, na posibleng mauwi sa kamatayan ang labis na paghilik.

Panoorin sa video ang resulta ng eksaminasyon sa kondisyon ni Raymark sa pagtulog, at ano ang mga hakbang na kaniyang gagawin para mabawasan ito. --FRJ, GMA News