Bakit may isaw sa braso o bakit nasa braso ang bituka? Iyan daw ang ilang panunukso na tinatanggap ng isang babae na namaga ang ugat sa braso na bunga ng komplikasyon sa kaniyang seryosong karamdaman.
Sa programang "Pinoy MD," ibinahagi ng 32-anyos na si Jolee Ann Antonio ang kaniyang pinagdadaanan at kung paano niya kinakaya ang kaniyang sakit na Chronic Kidney Disease (CKD).
"Sinasabi bakit may isaw sa braso, bakit bituka mo nasa braso. Hala para na siyang bangkay, hala bakit ganyan ang hitsura niyan para na siyang zombie," saad ni Antonio, tungkol sa natatanggap na puna sa kaniyang karamdaman.
Aminado si Antonio na bumaba ang kompiyansa niya sa sarili dahil sa mga natatanggap na panunukso at dumating siya sa punto na ayaw na niyang lumabas ng bahay. Kung lalabas man, balot na balot ang kaniyang katawan.
Bago dumating ang matinding pagsubok sa kaniyang kalusugan, dating sales lady sa mall si Antonio. Para makatulong sa pamilya, subsob siya sa trabaho at madalas na hatinggabi na kung umuwi ng bahay.
Hanggang sa makapag-asawa siya at nabuntis noong 2018. Pero kasabay nito ay nakaramdam na siya ng hindi maganda sa katawan at naging madalas ang pananakit ng ulo.
Noong una, inakala niyang bahagi iyon ng kaniyang pagbubuntis. Pero nang hindi na niya kayanin ang sakit, nagpasuri na siya sa mga duktor at lumabas sa mga eksaminasyon na sobrang taas na ng kaniyang creatinine.
Ibig sabihin, hindi na nasasala nang mabuti ang dumi sa kaniyang katawan dahil pumapalya na ang kaniyang mga kidney o bato.
Habang sa ideklara na rin ng duktor na mayroon siyang stage 5 na ang kaniyang CKD at kailangan na niyang magpa-dialysis. Pero dahil sa buntis siya noon, ayaw sana ni Antonio na magpa-dialysis para protektahan ang kaniyang baby sa sinapupunan.
Subalit dahil hindi na nailalabas ang dumi at lason sa katawan ni Antonio, pumanaw ang sanggol pagkaraan ng tatlong buwan sa kaniyang sinapupunan.
Dahil sa dialysis, kinailangang lagyan si Antonio ng fistula na nakakonekta sa kaniyang ugat. Hinala niya, posibleng nagkaroon ng maling turok sa fistula sa isang clinic na kaniyang pinuntahan kaya namaga at nagmistulang bituka na lumobo ang ugat sa braso niya.
Ngunit iba ang paliwanag ng isang duktor dahil sa pamamaga ng ugat sa braso ni Antonio. Ano nga ba ang dahilan ng pamamaga ng ugat ni Antonio at papaano maiiwasan ang pagkakaroon ng CKD? Panoorin ang buong pagtalakay ng "Pinoy MD" sa naturang usapin sa video. --FRJ, GMA News