Dinakip ng mga awtoridad ang tatlong teenager matapos nilang tangayin umano ang isang sasakyan gamit lamang ang USB cable sa Florida, USA. Ang mga suspek, natutunan ang modus na mapa-start ang sasakyan nang hindi gumagamit ng susi na mapanood sa internet.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing nakorner ng pulisya ang mga menor de edad sa Volusia County. Edad 14 ang dalawang suspek, habang 17-anyos naman ang isa pa.

Base sa incident report ng Sheriff's Office, inihayag ng isa sa mga suspek ang nakapanood ng tutorial video sa YouTube kung paano paandarin ang isang sasakyan nang hindi ginagamitan ng susi.

Umamin din ang mga suspek na may isa pa silang sasakyan na tinangay at itinago sa gubat bago sila nadakip ng mga pulis.

Natagpuan naman ito at nabawi ng mga awtoridad.

Mahaharap ang mga teenager sa asuntong grand theft auto.

Sinabi ng mga awtoridad sa US na dumarami ang ganitong kaso sa Florida.

Sa datos ng St. Petersburg Police Department, 23 sa 56 na sasakyang ninakaw mula Hulyo 11 hanggang 28 ay mga bagong Kia at Hyundai model, na karamihan sa mga salarin ay mga teenager.

Nagpayo ang Volusia County Sheriff's Office sa mga may-ari ng sasakyan na gumamit ng steering wheel lock.

"Kia America is aware of the rise in vehicle thefts of a subset of trim level vehicles. All Kia vehicles for sale in the U.S. meet or exceed Federal Motor Vehicle Safety Standards," pahayag ng Kia America.

"Hyundai Motor America is concerned with the rise in local auto thefts. The safety and well-being of our customers and the community is and will remain our top priority," pahayag naman ng Hyundai Motor America.--FRJ, GMA News