Sa isang komplikadong operasyon, matagumpay na napaghiwalay sa Rio de Janeiro, Brazil ang isang conjoined twins na makadikit ang ulo, naghahati sa isang bahagi ng utak, at isa ang ugat na nagdadala ng dugo pabalik sa kanilang mga puso.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing base sa mga unang pagsusuri, tila imposible na mapaghiwalay ang kambal na sina Arthur at Bernardo.

Pero makalipas ang ilang buwang pag-aaral at paghahanda, nakumbinsi ang mga doktor sa Paulo Niemeyer State Brain Institute at Gemini Untwined na puwedeng mapaghiwalay ang kambal.

"I talked to Adriely (twin's mom) and told her I believed we were capable to separate the children. I learned the phrase 'When you have 1% of possibility, you have 99% of faith," sabi ng neurosurgeon na si Dr. Gabriel Mufaffej.

Kahit kabado, pumayag ang ina na ng kambal na si Adriely Lima na ituloy ang operasyon.

Makalipas ang 27 oras o mahigit isang buong araw sa operating room, na pinagtulungan ng napakaraming doktor, matagumpay na napaghiwalay sina Arthur at Bernardo.

Sa kauna-unahan ding pagkakataon, naihiga na nang magkaharap ang kambal.

Sasailalim ang kambal sa anim na buwang rehabilitasyon kasunod ng matagumpay na operasyon.

Base sa mga doktor sa Rio de Janeiro, kabilang sina Arthur ar Bernardo sa "pinakamatandang" napaghiwalay na "craniopagus twins with a fused brain."

Ayon sa record ng Gemini Untwined, charity organization na tumutulong sa mga kambal na magkadikit ang ulo, isa lang sa 60,000 births ang conjoined twins, at 5% lang ng mga ito ang magkadikit ang ulo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News