Tuliro at 'lutang' na parang lasing na sumalampak sa likod ng pick-up truck ang isang batang oso na pinaniniwalang na-"high" matapos masobrahan ng kain ng "mad honey" sa Turkey.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nasagip ang oso sa lalawigan ng Duzce noong Huwebes. Nakita ang hayop sa gubat na mistulang wala sa sarili.

Nang isakay sa likod ng pick-up, makikita ang oso na patihayang napaupo at malalim ang paghinga.

Ang mad honey, o "deli bal" sa Turkish, ay isang uri ng rhododendron honey na nagdudulot umano ng "hallucinogenic" effects.

 

Dinala ang oso sa beterinaryo para gamutin at inaasahang maibabalik din sa gubat.

Ayon sa mga awtoridad, nasa maayos na kalagayan na ang oso. —Reuters/FRJ, GMA News