Marami ang naghahangad na maging matangkad. But be careful what you wish for dahil ang isang binata sa General Santos City na 7'2" ang taas, the struggle is real.

Nakilala ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," ang 28-anyos na si Galen Casida, na hanggang ngayon ay single pero ready rin naman siguro to mingle.

Paniwala niya, may kinalaman ang kaniyang tangkad at natatakot sa kaniya ang babae kaya nahihirapan siyang mahanap ang kaniyang the one.

Ngunit hindi lang ang love life ni Galen ang apektado ng kaniyang pagiging malaki. Kailangan din niya na laging alisto para hindi mauntog o bumangga sa bubungan ng tindahan o sa kisame ng bahay.

Hirap din siyang sumakay sa mga pampublikong sasakyan gaya ng tricycle dahil kailangan niyang mamaluktot na parang turtle.

Pagdating sa kasuotan, hirap si Galen na makahanap ng damit, pantalon at sapatos na kakasya sa kaniya.

Ang kaniyang mga damit at pantalon, kalimitang 5XL dapat ang sukat. Habang ang kaniyang sapatos, size 22 ang swak.

Nang minsan na wala raw siyang maisuot na kasyang sapatos, ang sapatos na maliit, binutas niya ang harap para mailusot ang kaniyang paa.

"Pinunit ko yung dulo, inilabas ko yung paa ko. Yung shoes itim, itim din medyas ko so bumagay lang," natatawa niyang kuwento.

Sa kanilang magkakapatid, si Galen lang ang sobrang tangkad. Gayunman, nasa lahi daw nila ang pagiging matangkad. Dahil ang kaniyang lolo sa tuhod, nasa 7 feet din umano ang taas.

Noong elementary pupil pa lang daw si Galen, nasa 5'9" na ang taas niya. Nang mag-high school, 6'6," at nang magkolehiyo, naging seven footer na siya.

Ang bentahe sa pagiging matangkad, pinag-aagawan si Galen sa liga, at para siyang CCTV camera na kita ang mga nasa ibaba.

Katunayan, nang minsan sumali raw siya sa liga at nakita siyang bumababa ng tricycle, namuti raw ang labi ng mga kalaban.

Pero noong 2012, natuklasan na ang labis na paglaki ni Galen ay hindi lang talaga bunsod ng kanilang lahi. Dahil nang ipasuri siya sa espesyalista sa Maynila, natuklasan na mayroon siyang kondisyon na tinatawag na "gigantism."

Ayon sa duktor, ang gigantism' ay dulot ng tumor na gumagawa ng maraming growth hormone sa katawan ng tao. Ang resulta nito, maaaring maging sobrang tangkad ng isang tao. Magkaroon din siya ng sintomas gaya ng paglaki ng paa, kamay o maging kapansin-pansin ang noo o panga.

Mataas din ang tiyansa ang may gigantism na magkaroon ng sakit sa puso, diabetes, arthritis o cancer.

Kaya naman si Galen, isinailalim sa operasyon na tinatawag na pituitary gland mass extraction para alisin ang tumor at mapigilan pa ang lalo niyang paglaki.

Kuwento ni Galen, ang ginawang operasyon sa kaniya ay unang pagkakataon na ginawa sa Pilipinas, at limang taon ang inabot ng kaniyang recovery.

Sulit naman ang lahat dahil naging matagumpay ang operasyon at napabagal ang kaniyang lalo pang paglaki.

Tunghayan ang buong kuwento ni Galen at alamin kung sino ang babae na kasama niya sa larawan na tinutuksong bagay sila. Panoorin ang video.--FRJ, GMA News