Parang basura na itinapon sa kalye ng mga tumatakas na kawatan ang mga pera na kanilang nakulimbat mula sa sinira nilang ATM machine. Kailangan daw itong gawin ng mga suspek para hindi na sila habulin ng mga pulis, na tumirik naman ang sasakyan.
Sa video ng GMA News Feed, makikita sa CCTV footage ang pagsalakay ng mga magnanakaw sa State Bank of India sa bayan ng Korutla.
Nakasilid sa bag ang mga perang kinuha nila mula sa sinira nilang ATM machine.
Papatakas na sila nang dumating ang mga pulis na sakay ng police mobile at nabangga ang papaalis na getaway vehicle ng mga kawatan.
Nahulog pa mula sa sasakyan ang isang suspek pero nakabalik din sa kotse at humarurot na palayo ang mga ito.
Pero bumalik sa lugar ang sasakyan ng mga suspek at inihagis ang mga pera sa kalsada.
Ayon sa mga awtoridad, bumalik ang mga salarin dahil nagkamali sila ng direksiyon. Inihagis din nila ang pera sa kalye para hindi na sila habulin ng mga pulis.
Mahigit Rs 19 lakh o katumbas ng mahigit P1.2 milyon ang nakuha ng mga salarin mula sa ATM.
Nang bilangin ng mga awtoridad ang perang itinapon sa kalsada, nadiskubre nilang halos buong halaga ng ninakaw na pera ang itinapon.
Hindi rin nahabol ng mga pulis ang mga salarin dahil pumalya pala ang police mobile nang mabangga nito ang getaway vehicle ng mga magnanakaw.
Nagkasa na ng follow-up operation ang mga pulis para mahuli ang mga suspek.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News