Para mailabas ang pasyenteng nasa ospital, ginamit na kolateral ng isang pamilya ang titulo ng kanilang lupa. Ang problema, hindi na ito ngayon mahanap. Ano ang dapat gawin ng pamilya para makakuha ng kopya ng titulo upang hindi makuha ng ibang tao ang kanilang property?
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," idinulog ni Miriam ang kanilang problema tungkol sa nawawalang titulo ng kanilang lupa matapos na gamiting kolateral sa isang pribadong ospital.
Sa ngayon, wala pa naman umanong ibang tao na umaangkin sa kanilang property o nagpapakilalang may hawak silang titulo ng ari-arian.
Ayon kay Atty. Francis Abril, hangga't hindi nababaliktad o napapalitan ang titulo na nasa kopya ng Registry of Deeds, mananatili sa tunay na may- ari ang naturang property.
Kaya pinayuhan niya si Miriam na kaagad gumawa ng affidavit na notoryado at ipadala sa Registry of Deeds upang ipaalam na nawawala ang kopya nila ng titulo ng kanilang lupa.
Maaari nilang ilagay sa affidavit na notice of loss ang pangyayari kung papaanong nawawala ang hawak nilang titulo at patunay na sila ang may-ari ng property.
Sa ganitong paraan, magkakaroon umano ng proteksiyon sina Miriam upang hindi basta-basta maangkin ng iba ang kanilang property hangga't hindi sila nakakakuha ng duplicate copy ng titulo.
"Doon po sa notice of loss, mahalaga na immediately ma-inform po ninyo si Registry of Deeds na yung duplicate copy po ninyo ay nawawala," saad ng abogado.
"Ngayon 'wag po kayong mag-aalala dahil kapag nawawala po ang duplicate copy hindi po agad-agad 'yan na maaaring makapagpagawa yung iba. Kasi dadaan pa po sila sa korte. Ino-notify din naman po kayo ng appropriate government agency saka-sakali po na may mangtatangka na magpatitulo sa pangalan ng iba," paliwanag niya.
Ayon kay Atty. Abril, nasa P300 hanggang P500 lamang ang gastos sa pagpapagawa ng notoryadong affidavit, o maaari din silang magpatulong sa malapit na tanggapan ng Public Attorney's Office. -- FRJ, GMA Integrated News