Isang netizen ang humingi ng payong legal sa Kapuso sa Batas ng GMA News "Unang Hirit" tungkol sa usapin ng utang. Totoo nga bang walang tao sa Pilipinas na nakukulong nang dahil sa utang?

Ayon kay Atty. Gaby Concepcion, totoo na walang tao na nakukulong nang dahil sa utang batay na rin sa nakasaad sa Saligang Batas na, "no person shall be imprisoned for none payment of a debt."

Gayunman, may mga nakukulong na may utang dahil nahahaluan na ito ng iba pang elemento ng kaso na may parusang pagkakakulong gaya ng panloloko, swindling, at bouncing check.

Pero para sa mga nais makasingil ng pautang, ipinayo ni Atty. Concepcion na maaari silang magsampa ng kaso sa Small Claims Court.

Ngunit bago magsampa ng kaso laban sa nangutang, dapat umanong magpadala muna ng "demand letter" ang nagpautang sa nangutang upang maging patunay na naniningil siya.

Kung hindi pa rin nagbayad ang nangutang sa kabila ng ipinadalang demand letter, dito na maaaring magsampa ng kaso ang nagpautang sa SCC.

Maaari itong gawin ng nagpautang kahit wala siyang abogado.

Ang mga kaso na maaaring idulot sa SCC ay dapat hindi hihigit sa P400,000 o P300,000 ng sinisingil na utang depende sa lugar na kaniyang kinaroroonan.--FRJ, GMA Integrated News