Hindi man naging mainit sa simula ang pagtanggap ng mga tao sa negosyo niyang kape sa gilid ng daan gamit ang bisikleta, nagpursige pa rin si Mong Vicente hanggang sa makamit na niya ang tamang timpla ng tagumpay ng kaniyang CityBoy Brew.

Sa programang "Pera-Peraan," ikinuwento ni Mong na dating siyang IT employee nang malanghap niya ang sarap ng amoy ng coffee beans.

Dahil hindi sapat noon ang kita niya bilang empleyado para mabigyan ng maginhawang buhay ang kaniyang pamilya, nag-sideline si Mong ng printing at photography.

Hanggang sa magpa-photoshoot sa kaniya ang isang kaibigan ng mga naka-repack na coffee beans.

"Parang ang sarap ng amoy ng kape nang araw na 'yon. Wala po akong kaalam-alam sa brewing method, tapos ni-YouTube ko po siya. Nung nalaman ko kung paano magtimpla ng kape na ganun, doon ko po naisipan na ibenta sa daan," ayon kay Mong.

Tubong Isabela province si Mong, na lumuwas ng Maynila dahil sa pangarap na magkaroon ng mas magandang oportunidad.

Pero hindi naging sapat ang kaniyang kita sa kaniyang pagiging empleyado.

"Kapag nagtatrabaho ka po sa isang corporate, kahit anong galing mo po, hindi naman tumataas agad-agad yung kinikita mo. Unlike kapag nagnegosyo ka, 'pag ginalingan mo, mas may tendency po, may posibility na mas tumaas yung kita mo," paliwanag niya.

At nang panahon ng pandemya na naka-work from home siya, naisipan niyang magtinda ng kape sa paradahan ng mga jeep sa Marcos highway para maging pera ang ibinayad sa kaniyang coffee beans.

Namuhunan si Mong ng P3,000 para sa mga gamit. Pero hindi naging mainit ang pagtanggap ng mga kostumer sa kaniyang kape sa tabing-daan.

Sa unang dalawang linggo, dalawang cups lang umano ang kaniyang naibenta. Kaya naghanap sila ng kaniyang asawa ng bagong lugar at napadpad siya sa Marikina River Banks.

"Nagulat po kami lumampas na ng P200, P300 yung kinikita namin. Nung araw po na 'yon masaya po kami kasi from one cup nakaka-sold kami ng 10 cups na," saad niya.

At ang mainit na kape, nilagyan ni Mong ng iced coffee para sa mga nagjo-jogging na talagang nagpataas daw sa kanilang kita.

"That time po within three hours ano po P10,000 to P13,000 na po yung kinikita namin," patuloy ni Mong.

Sa tagumpay noon ng negosyo ni Mong, umabot sa 21 ang kaniyang franchise. Pero aminado naman siya na hindi naging madali ang lahat kaya nagsara ang iba hanggang sa walo na lang ang natira.

Bukod sa walong franchise ng kaniyang kape, naging resto bar na rin ang kaniyang CityBoy Brew.

At ang payo ni Mong sa mga katulad niyang may trabaho na nagbabalak na bumitiw para pasukin ang negosyo, "Kung may trabaho ka, as much as possible i-keep mo 'yon and then saka ka magnegosyo."

Patuloy niya, "Isipin niyo na lagi kayong kakaiba o unique yung bibitawan niyong negosyo sa iba. Piliin niyo rin yung makakasama niyo. Basta wala kayong ibang aasahan talaga diyan kundi yung sarili niyo lang." -- FRJ, GMA Integrated News