Sa “Sumbungan ng Bayan,” idinulog ng isang tatay ang kalagayan ng kaniyang 20-anyos na anak na babae na tatlong beses nang nabuntis sa magkakaibang lalaki pero wala sa mga ito ang nagbigay umano ng tulong sa panganganak o sustento sa mga bata.

Ayon kay Tatay Emannuel, 15-anyos lang ang kaniyang anak nang una itong mabuntis. Nang ilapit niya sa barangay ang usapin tungkol sa ama ng ipinagbubuntis ng kaniyang anak, pumayag umano ang mga magulang ng lalaki na sasagutin nila ang mga gastusin, mula sa pagbubuntis hanggang sa panganganak at pagpapalaki ng sanggol.

Pero nang hiningian na ni Tatay Emannuel ng gastos sa panganganak, hindi umano ito nagbigay. Nang muli silang magkaharap sa barangay, nag-iba na ang usapan at sinabi sa kaniya na dapat maging hati na sila sa gastusin sa pagpapalaki sa bata.

Hanggang sa magkaroon ng bagong karelasyon ang kaniyang anak at muling mabuntis sa pangalawang lalaki. Ngunit itinanggi umano ng lalaki na siya ang ama ng dinadalang sanggol ng babae.

Nang maisilang na ang ikalawang sanggol mula sa ikalawang tatay, nagkaroon ng pneumonia ang bata at kinalaunan ay pumanaw.

Nang muling nabuntis ang kaniyang anak sa ikatlong lalaki, ipinatawag din ni Tatay Emmanuel ang lalaki sa barangay dahil ayaw din umano nitong panagutan ang sanggol.

Dahil walang nabuong kasunduan sa barangay, inilipat sila sa police station kaugnay sa posibleng kaso na puwedeng isampa nina Tatay Emmanuel. Pero pinayuhan umano sila ng mga pulis na magpa-DNA test at physiological evaluation para maging katibayan laban sa ikatlong ama na siya talaga ang ama ng sanggol na nakatakdang iluwal sa susunod na buwan.

Ipinaliwanag ni Atty. Ian De Guzman Sia, na sa usapin ng unang ama, tama lamang na ang mga magulang ng lalaki ang sumagot sa gastusin at suporta sa unang bata dahil sila ang may kaya.

Payo si Sia sa mga kababaihan, kapag nadawit sa ganitong sitwasyon, dapat magkaroon ng kasulatan kung saan pumipirma ang lalaking nakabuntis na siya ang ama ng bata. Dapat ipanotaryo ito para hindi na hanapan pa ng DNA ng korte kung sakaling magkakaroon muli ng problema o biglang itanggi ng ama ang bata.

Kung gustong kasuhan ang unang tatay dahil sa paglabag umano nito sa naunang napagkasunduan, maaari umanong dumulog sina Tatay Mannuel sa municipal o metropolitan trial court dahil lahat ng kasunduan sa barangay ay may legal force at effect.

Pagdating sa korte, hindi na magkakaroon ng pagdinig at halip ay magsasampa na lamang sila ng motion for execution para mag-iisyu na lamang ng writ of execution ang hukom.

Sa pamamagitan ng writ of execution, ipinaliwanag ni Atty. Sia na maaaring mag-utos ang hukom na sa mga kinauukulang ahensiya para ipagtupad ang kasunduan sa barangay at kunin kung ano man ang ari-arian ng pamilya ng unang tatay para maibigay ang obligasyon nila para sa bata.

Pagdating sa usapin ng DNA test, ipinaliwanag ni Atty. Sia na ang pamilya na nagdedemanda katulad nina Tatay Emannuel ang dapat na sumagot sa gastusin nito dahil nasa kanila ang "burden of proof" para mapatunayan na ang ikalawang lalaki ang tunay na ama ng ikalawang bata na pumanaw na.

Ayon kay Atty. Sia, kung sakaling napatunayang na ang lalaki ang tunay na ama, puwedeng hilingin sa korte na isama o singilin sa lalaki ang ginastos sa pagpapakuha ng DNA test, bukod pa sa mga gastos sa panganganak hanggang sa pagpapalibing ng sanggol na namatay.

Sa usapin ng ikatlong lalaki na tumatanggi rin sa pagiging ama ng bata, sinabi ng abogado na tama ang payo ng pulisya na posible itong emotional o psychological abuse para makalusot na lang ang lalaki sa kaniyang obligasyon.

Ang mga sinasabing dahilan ng ikatlong lalaki ay maaari umanong paraan lamang nito para makalusot sa pananagutan sa bata. Dahil dito, maaari nilang sampahan ng paglabag ng Anti-Violence Against Women and their Children Act ang ikatlong ama. Tunghayan ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA Integrated News