Habang inaabangan na ang live action series na "Voltes V," isa pang sikat na robot anime ang pinaplanong gawin ng GMA Network.
Sa panayam ni Paolo Contis sa kaniyang online show na "#JustIn," sinabi ni GMA Network Senior Vice President Annette Gozon-Valdes, na kasama sa mga malalaking proyekto na planong gawin ng network ang "Daimos."
"We're planning on 'Daimos' sana," saad ni Miss Annette, kasabay ng pagkuwento niya kung gaano katagal ang naging paghahanda sa Voltes V na inabot ng 10 taon.
Paliwanag ni Miss Annette, hindi kaagad nabigyan ng go-signal ang paggawa ng Voltes V noon dahil sa hirap ng CGI (Computer-Generated Imagery) na hindi pa kasing-moderno ngayong panahon.
Gaya ng Voltes V, gawa rin ng Toei Animation ang "Daimos" na unang ipinalabas noong 1978.
Pangunahing bida sa Daimos si Richard, na piloto ng super robot. Makikilala at iibig si Richard kay Erika, na mula sa lahi ng kalaban mula sa Baam.
Maliban sa "Daimos," sinabi ni Miss Annete na naka-plano ring gawin ng GMA Network ang "Sang'gre," sequel ng "Lolong," at big project para kay Alden Richards. —FRJ, GMA Integrated News