Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong si Miguel Tanfelix kung nakarelasyon ba niya ang mga Kapuso actress na sina Barbie Forteza, Bianca Umali at Kyline Alcantara.

Sa “The Talk” segment, ipinakita ni Tito Boy ang larawan ni Barbie, at diretsahang tinanong kung niligawan ba ni Miguel ang dalaga.

“Yes Tito Boy. Pino-post ko po siya dati,” sagot ni Miguel. “Naging kami po.”

Pag-alala ni Miguel, dati siyang bumibisita sa set ni Barbie, saka magpo-post na bumisita siya.

“Dalaw po sa set. Kasi hindi po kami magkasama ng show dati, I was doing ‘Niño’ back then tapos iba po ‘yung show niya. Kapag may taping siya, pinupuntahan ko, nagdadala po ako ng pagkain. Kapag po malapit ‘yung set nila sa Cavite, kasi taga-Cavite ako, nagdadala po ko."

Sunod na ipinakita ni Tito Boy ang larawan ni Bianca.

Muli, binalikan ni The King of Talk ang ginawang paghingi noon ni Miguel ng pahintulot sa lola ni Bianca sa debut ng dalaga, kung puwede niya itong ligawan.

Ngunit kalaunan, hindi natuloy ang panliligaw ni Miguel sa aktres, samantalang nag-post ng cryptic post si Bianca noon tungkol sa “ahas.”

“Naging kayo ba ni Bianca?” diretsahang tanong ni Tito Boy.

“Yes Tito. Naging kami po ni Bianca,” sagot ng binata, na sinabi ring hindi naging maganda ang kanilang hiwalayan noon.

“Hindi po naging maganda,” sabi ni Miguel.

Nang tanungin kung may kinalaman dito si Kyline, umiwas si Miguel na sagutin ang tanong.

“Siguro Tito Boy ‘yung dahilan ng paghihiwalayan namin, huwag na tayong mandamay ng ibang tao. Irespeto natin ang ibang tao. Siguro sa issue na lang namin ni Bianca,” anang binata.

Sunod na ipinakita ni Tito Boy ang larawan ni Kyline.

“We had something special,” sabi ni Miguel tungkol sa dalaga.

“You have something special which means oo o hindi?” paglilinaw ni Tito Boy.

“Yes,” sagot ni Miguel. “Hindi ko na masyado matandaan pero naalala ko lagi kaming magkasama sa All-Out Sundays. Doon po kami nagka-develop-an.”

“Ako Tito Boy okay ako sa kaniya,” tugon naman ni Miguel nang tanungin kung friends sila ni Kyline.

Pero nang tanungin kung pareho ang nararamdaman ni Kyline na magkaibigan sila, sumagot si Miguel ng “Hindi ko po alam.”

“Sana maayos, kasi maayos din naming tinapos kung ano ang meron kami before,” sabi ni Miguel.

Ayon kay Miguel, makaluma ang paraan ng kaniyang panliligaw at kinakausap din daw niya ang babae kapag humahantong na sa pagwawakas ang isang karelasyon.

“Kailangan po, kasi kung pormal mo siyang sinimulan, kailangan pormal mo ring tatapusin ang relasyon.” --FRJ, GMA Integrated News