Sa halip na pumuti at kuminis, nangati, nagkabutlig at nagkasugat-sugat ang kilikili ng tatlong babae dahil sa ipinahid nilang underarm cream. Ang naturang cream, ipinasuri at natuklasan na mataas ang mercury level. Alamin kung anong brand ito at saan nabibili.

“Sobrang dry niya, parang mapupunit ‘yung balat,” sabi ni Tessie, hindi niya tunay na pangalan, sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” matapos niyang pahiran ang kaniyang kilikili ng 88 Total White Underarm Cream.

Ipinasuri ng KMJS team sa laboratoryo kung ano ang mga nilalamang sangkap ng naturang produkto na nabibili online at sa tiangge.

At base sa resulta, ang cream na ginamit ng mga babae, at ang cream na nabili ng KMJS sa tiange, mataas ang mercury level kaya delikado sa balat at nakalalason.

Bumili rin ang Team KMJS ng lehitimo umanong sample mula sa manufacturer nito sa Thailand.

“It’s 1,428 PPM (parts per million). If naka-receive kayo ng ganitong produkto, itapon niyo na. It is a poison,” sabi ni Shea Tan, RCH., isang licensed chemist.

Pinapayagan ng Food and Drug Administration (DFA) ang hanggang 1 PPM lamang ang mercury content ng isang produkto.

Pinuntahan ng team ng KMJS ang main office ng 88 Total White Underarm Cream sa Thailand para sa kanilang pahayag. Ngunit tumanggi na silang magbigay ng anumang komento.

Para makatulong sa agarang paghilom ng sugat ng tatlong babae, binigyan sila ng gamot ni Dra. Grace Beltran.

“Iwasan nating kamutin. Iwasan natin ang self-medication at saka dagdag nang dagdag ng kung anong kemikal na ipapahid mo pa, kasi mas lalong mai-iritate, mamamaga tsaka mamumula,” sabi ni Dra. Beltran.

Nilinaw ni Dra. Beltran na pinakamahirap paputiin na bahagi ng katawan ang mga singit at kilikili dahil madalas itong moist o basa.

“Iwasan po ang discrimination, kasi kaya po napipilitan ‘yung iba na magpaganda, magpaputi, kahit naman hindi dapat kasi ang mga tao ang hilig manghusga,” sabi ng isang babaeng gumamit ng produkto. --FRJ, GMA Integrated News