Hindi mapupulang rosas o mamahaling gamit, kundi bulaklak na nakaayos gaya ng  para sa patay ang iniregalo ng isang dalaga sa kaniyang nobyo para sa Valentine’s Day. Ang dahilan, "patay na patay" ang babae sa lalaki.

Ito ang naisip na sorpresa ni Fides Bernardo sa kaniyang nobyong si Anton Segismundo, na hindi naiwasang matakot.

"Takot na takot ako nung una kong nakita," sabi ni Anton sa GMA News Online. "When I got the box, it was blank save for the receipt. Tapos nakalagay lang duon, '1 pamatay'."

At nang buksan niya ang kahon at naamoy ang mga bulaklak, "akala ko death threat."

Nang mabasa ni Anton ang dedication, dito na niya nalaman na nanggaling ito sa kaniyang nobya na tatlong taon na niyang karelasyon.

"Patay na patay ako sa 'yo," sulat ni Fides sa ribbon, kasama ang mga puting bulaklak na nakaayos para maging table-top version ng mga bulaklak pampatay.

"I wasn't expecting and as a guy, I'm not used to receiving flowers," sabi ni Anton.

"I thought it would be a perfect gift coming from me because my family owns a small funeral home business in Bulacan," sabi naman ni Fides sa GMA News Online.

Isang linggo ang nakararaan nang magsimula nang maghanap si Fides ng espesyal para sa kaniyang nobyo. "I wanted it special because last year's Valentine's Day was not so nice," anang dalaga.

Ayon kay Fides "I thought it would be boring. I wanted something different."

Naalala ni Fides ang biro ng pagbibigay ng mga bulaklak pampatay para sa Valentine's Day sa social media kaya hinanap niya ang keywords na "Funeral flowers Valentines."

"I saw this flower shop in Manila with a pamatay series, and they had the table-top size so I got it for him," kuwento niya.

"I considered doing a full-size but the logistics — I was seriously thinking of doing that, naka-karo," natatawang sabi ni Fides.

"Baka sa birthday mo na lang," biro ni Fides kay Anton, na natawa sa mga iniregalo sa kaniyang bulaklak. “Sobrang cute nito," sabi ni Anton.

Bumili rin si Anton ng bouquet ng mga bulaklak para kay Fides na plano niyang ibigay ngayong araw sa kanilang special Valentine's Day steak dinner. --FRJ, GMA Integrated News