Nang bumagsak ang negosyong photo-video services dahil sa pandemic, nag-isip ng ibang mapagkakakitaan si Tony Perez. Ang naisip niya, ang hilig niya sa pagkain--ang paresahan.

Sa programang "Pera Peraan," sinabi ni Tony ng "Perez Pares" sa Valenzuela City na nasa lima hanggang 10 kilong karne lang bawat araw ang naibebenta nila sa unang buwan nang itayo niya ang negosyo.

Ngayon, nakakaubos na sila ng nasa 40 hanggang 50 kilo ng karne isang araw dahil sa dami ng kanilang kostumer. Umaabot na raw sa six digits kada buwan ang kita ng paresan.

Dinadayo ang paresan ni Tony dahil sa abot-kayang presyo nito na P60 na isang takal ng kanin at may kapares na pares. Ngunit kahit mura, hindi naman dapat tinipid sa lasa ang pares dahil lasap na lasap ang sarap ng karne ng baka.

Pero bago makamit ang tagumpay, sinabi ni Tony na malaking problema muna ang kaniyang hinarap nang matigil ang kaniyang negosyong photo-video services para sa mga event nang magkaroon ng pandemic.

Ayon kay Tony, maganda ang kita ng kanilang negosyo na photo and video business na namana pa niya sa kaniyang mga magulang.

Ngunit nang magkaroon ng pandemic.

"Lahat ng ipon, lahat ng kinita, lahat ng naipundar, unti-unting nawawala," ani Tony. "Pabondying- bondying kami. Akala namin two months lang, three months lang na wala kaming magiging trabaho. Hanggang sa taon na, sabi ko, 'Naku, hindi na puwede 'to. Parang walang kasiguraduhan na babalik yung mga events."

Kaya pansamantalang nagpalit ng career si Tony., Mula sa mga camera, sandok at kawani na muna ang kaniyang hinawakan at naging kusinero siya.

"Mahilig akong mag-food trip, mahilig akong kumain. Kung saan-saan ako nakakapunta para kumain lang. Nagkataon na mahilig ako sa nasa cart na pagkain, specially yung pares. Yung kapatid ko nagkataon na nagpa-pares na rin siya. So sabi ko kaya ko rin 'to. Masarap din naman akong magluto," kuwento ni Tony.

Ang lesson daw na natutunan ni Tony mula sa pandemya, "Hindi pala dapat na isa lang yung pinagkakakitaan mo. Kapag nawala itong isa, mayroon kang paghuhugutan na isa. Hanggang nawala itong isa, balik mo 'tong isa, gawa ka pa ng isa."

Naisip ni Tony na gumawa pa ng ibang negosyo. Kaya bukod sa paresan at balik na muling negosyo na photo and video services, mayroon na rin siyang furniture business matapos niyang pag-aralan din ang gumawa ng mga muwebles.

Pero papaano ba gumawa ng masarap at malapot na pares? Panoorin ang turo ni Tony sa video. --FRJ, GMA Integrated News