Isang buntis na nakakulong dahil sa kinakaharap na kasong pagpatay sa Florida, USA ang humiling sa korte na palayain siya dahil inosente ang sanggol sa kaniyang sinapupunan.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing pitong buwan nang nakakulong si Natalia Harrell, 24, kaugnay ng kinakaharap niyang kaso na pagpatay.

Binaril at napatay umano ni Harell ang isang babae noong nakaraang Hulyo sa Miami.

Anim na buwang buntis si Harrell nang arestuhin siya.

Sa petisyon na inihain ng kampo ni Harrell noong nakaraang linggo, idinahilan nito na mayroon siyang dalang baril at nangangamba siya para sa kaniyang buhay at sa sanggol sa kaniyang sinapupunan.

Hindi umano nakatatanggap na maayos na medical care si Harrell sa kulungan.

Nakasaad sa petisyon na, "the fetus has not committed any crime" pero nakakulong ito sa tinawag niyang "deplorable conditions." Kung hindi pagbibigyan ang kaniyang petisyon, lalabas umano ang sanggol "on the concrete floor of the prison cell."

Sinabi ni Atty. William Norris sa AFP, na kinuha siya ng ama ng sanggol sa sinapupunan upang maghain ng petisyon "on behalf of the fetus."

"The child didn't have a seat at the table when the decision to incarcerate the mother was made," giit ni Norris.

Iginiit sa petisyon na "the unborn child is a person."

Noong nakaraang Hunyo, isang buntis ang tiniketan sa Texas dahil sa pagmamaneho niya ng sasakyan sa high-occupancy carpool lane.

Iginiit ng buntis na dapat na ituring na "second passenger" ang sanggol sa kaniyang sinapupunan.

Pinag-usapan ang naturang insidente sa Texas dahil nangyari ito limang araw matapos baligtarin ng US Supreme Court ang right to abortion na nakasaad sa Roe v Wade. Sa naturang kautusan, ipinapaubaya na sa bawat estado sa US ang pasya sa pag-regulate ng naturang karapatan sa abortion.

Ayon kay Norris, ang petisyon niya na makikinabang din si Harrell ay hindi umano "direct result" ng Supreme Court ruling pero "a consequence of that."

"It's interesting how society moves forward," sabi ni Norris sa AFP. "People are starting to recognize that an unborn child is a person." —AFP/FRJ, GMA Integrated News