Ikinuwento ni Paolo Contis na nahuli niya ang isa sa mga dati niyang girlfriend na may kahalikan na ibang lalaki sa larawan. Ang babae, nagpalusot pa umano sa kaniya.

Sa programang "Just In" na si Paolo ang host, napag-usapan nila ng kaniyang bisita na si Kokoy de Santos, ang panahon na nabaliw sa pag-ibig ang huli.

Ayon kay Kokoy, 18-anyos siya nang ma-in love siya sa babae. Pero naging mala-LDR (long distance relationship) ang kanilang ugnayan dahil nasa probinsya ang babae.

Pag-amin ni Kokoy, umikot ang mundo niya sa babae hanggang sa mabisto niya ang pagtataksil nito nang makita niya ito sa cellphone.

"Hindi naman nude pero parang... 'naligo na 'ko.' Nahuli ko sa phone. Wala namang hubad pero may landi," patungkol ni Kokoy sa pagtataksil umano ng babae na dalawang taon niyang naging karelasyon.

Nang magkahiwalay sila, doon umano napagtanto ni Kokoy na pinaikot niya ang kaniyang mundo sa babae. Matapos nito, muli siyang nagkaroon ng interes na magtrabaho hanggang sa magkasama na sila ni Royce Cabrera sa isang "BL" project.

Guest din sa naturang programa ni Paolo si Royce.

Kasunod ng kuwento ni Kokoy, ibinahagi na ni Paolo na nangyari na rin sa kaniya ang pagtaksilan ng dating kasintahan.

"Nangyari sa akin 'yan, nagbakasyon yung isa sa mga girlfriend ko dati, tapos umuwi. Nagpadala ngayon ng photo album yung lalaki [kalaguyo ng babae], parang regalo," saad ni Paolo.

"Pagbukas ko, hindi siguro alam ng lalaki na ako yung magre-recieved ng package, pagbukas putsa puro pictures nila na ano sunset, naghahalikan," patuloy ng aktor.

Ayon kay Paolo, nagpalusot umano ang dati niyang nobya na photographer lang ang lalaki sa picture.

"Ang palusot sa akin, 'hindi kasi photographer siya.' Anong photographer? Kayong dalawa yung nasa picture, photographer siya," balik-tanaw ni Paolo.

"Nag-alibi sa picture, ayun nalaos," dugtong ni Paolo sabay change topic na sila tungkol kay Royce. --FRJ, GMA Integrated News