Matapos imbitahan sa opisina ng Charles & Keith sa Singapore at regaluhan ng bag, ginawa naman ngayong brand community ambassador ng naturang Singaporean fashion house ang Pinay teenager na si Zoe Gabriel.

Naunang umingay sa social media ang pangalan ng 17-anyos na si Zoe, nakabase sa Singapore, nang makatanggap siya ng mga panlalait nang tawagin niyang luxury brand ang Charles & Keith bag na regalo sa kaniya ng kaniyang ama.

Nang mag-viral ang paliwanag ni Zoe, inimbitahan siya ng Charles & Keith sa kanilang opisina para mananghalian, at binigyan ng regalong personalized bag.

Ngayon naman, ginawa siyang brand community ambassador ng Charles & Keith para sa International Women's Day campaign nito na ipakilala ang purple iteration ng Alia bag.

"This International Women's Day, let us celebrate with compassion," saad ni Zoe sa caption.

Sinabi naman ng Charles & Keith sa kanilang post na, "The launch of this special iteration of the Alia bag is in support of UN Women's ‘Storytelling for Gender Equality’ programme."

 

 

FRJ, GMA Integrated News