Dahil sa labis na pagkahilig ng isang babae sa mga K-Pop merchandise na kaniyang kinokolekta, hindi na niya napigilan ang sarili na kupitan ng pera ang kaniyang lola na isang tindera, na nabaon naman sa utang na aabot sa mahigit P2 milyon. Papaano kaya niya ito mababayaran?

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing karamihan sa mga koleksyon ng K-pop fan na itinago sa pangalang "Bea," ay mga larawan ng mga K-pop idol na aabot sa 3,000 piraso.

Ayon kay Bea, nakakaramdam daw siya ng labis na kaligayahan kapag binubuksan ang mga inoorder niyang K-pop merch online.

At bagaman batid niya na mali ang kaniyang ginagawang pangungupit ng pera sa kaniyang lola na itinago sa pangalang "Agnes," hindi niya mapigilan ang kaniyang sarili.

Nabisto lang ang mga itinatagong koleksyon ni Bea, nang minsan may hanapin sa cabinet ang kaniyang tita. At dahil baon na sa utang si Lola Agnes, doon na nila natuklasan na ang perang nawawala sa tindahan, ipinagbibili ni Bea ng K-pop merch.

May puwesto sa palengke si Lola Agnes at mga plastic ang kaniyang itinitinda. Dahil tiwala sa kaniyang apo, si Bea ang ginawa niyang kahera, na binibigyan niya ng P350 sa isang araw.

Hiwalay ang mga magulang ni Bea, at si Lola Agnes ang nagpalaki sa kaniya.

Noong una, bahagi raw ng kaniyang ipon ang ipinambibili ni Bea ng mga kinokolekta niyang K-pop merch. Pero nang maglaon, nagsimula na siyang mangupit sa kaha ng kaniyang lola.

At habang dumadami ang koleksyon ni Bea, unti-unti namang nababaon sa utang ang kaniyang Lola Agnes.

"Akala ko medyo mahina lang [ang benta]. Ang laki ng ano... hindi ko nababayaran...na-balance ko na more than P2 million," sabi ng lola.

Para mabayaran ni lola ang kaniyang mga pinagkakautangang supplier, ibebenta na nila ang ilan nilang ari-arian.

"Ang sakit. Gipit na gipit ako tapos ganun-ganun ang ginawa niya," umiiyak na pahayag ni lola. "Ang sakit ng ginawa mo. Buong buhay ko hindi ako nakaipon ng ganyan P2 million sa loob ng 36 years ng pagnenegosyo ko."

Hindi naman daw sila nagkulang kay Bea, na inakala raw na mayaman sila.

Taong 2017 nang unang maaliw si Bea sa K-pop sa pamamagitan ng kaniyang kaklase. Naenggayo na siyang mangolekta ng K-pop merch dahil sa mga nakikita niyang koleksyon sa social media.

Labis na pinagsisihan ni Bea ang kaniyang ginawa sa lola.

Sa pinakahuling imbentaryo nila sa koleksiyon ni Bea, umaabot na raw ang halaga nito sa P2.7 milyon, at may mga paparating pang deliveries.

Ang naiisip nilang solusyon para mabawi ang pera at maibalik kay Lola Agnes, ibenta ang mga koleksyon ni Bea.  Sa mga interesadong bumili, maaaring i-click ang link na ito: https://bit.ly/3ZHIT8f.

--FRJ, GMA Integrated News