Matapos umanong magpalinis ng kuko sa manikurista, namaga at nagkasugat ang kuko sa magkabilang hinlalaki ng dalawa paa ng isang babae. At kahit na gumaling ito, muling bumabalik ang kaniyang problema sa "ingrown" nail.

Sa programang "Pinoy MD," nakilala ang babae na si Jessa Mae Pagcaliwangan, na laging basa ang paa sa kaniyang trabaho sa palengke. At sa isa pa niyang trabaho, kailangan naman niyang magsuot ng mabigat at masikip na safety shoes.

Dahil na rin sa kaniyang mga trabaho, naging kalbaryo sa kaniya ang problema sa mga paa na nagsimula raw noong magpalinis siya ng kuko sa manikurista.

Nang hindi na niya matiis ang sakit sa paa, nagpatingin na siya sa duktor at pinayuhan siyang ipaalis na ang natitirang ingrown kapag nawala na ang pamamaga sa paa.

Sinunod naman ni Jessa Mae ang utos at gumaling ang kaniyang paa. Pero kinalaunan, bumalik ang ingrown at muling namaga at nagsugat ang kaniyang dalawang hinlalaki.

Ang naturang problema, naging pabalik-balik sa loob ng mahigit dalawang taon.

Ayon sa dermatologist na si Dra. Jean Marquez, ang madalas na dahilan ng pagkakaroon ng ingrown ay ang pagsusuot ng masisikip na sapatos, pudpod na paggupit sa kuko, at vitamin deficiency.

Sa kaso ni Jessa Mae, sinabi Dra. Marquez, maaaring naging pabalik-balik ang problema niya sa ingrown dahil maaaring mali ang paraan ng pagtanggal, maaaring laging kinukutkot, at mali ang lifestyle.

Ang nakikitang solusyon ni Dra. Marquez sa problema ni Jessa Mae, ang tinatawag na toenail avulsion o pag-lis ng gilid ng kuko o kaya naman ay ang mismong buong kuko.

Sa ganitong paraan, magkakaroon o tutubo ng panibagong kuko sa hinlalaki ng mga paa ni Jessa Mae. At inaasahan na magiging maganda ang tubo nito na hindi na magiging dahilan para magkasugat pa ang kaniyang mga paa.

Para maiwasan ang ingrown nails, ugaliing umanong magpahid ng mosturizer sa mga daliri sa paa, iwasan ang pagpudpod sa kuko, at magsuot ng komportableng sapatos. --FRJ, GMA Integrated News