Kahit 20 taon na mula nang mabuo ang iconic dance group na Sexbomb Girls, hindi pa rin nakakalimutan ng mga tao ang kanilang pangalan at maging ang kanilang tugtugin.

Kamakailan lang, nagkasama-sama ang original members ng Sexbomb matapos silang kunin sa commercial ng isang streaming giant. Ginamit sa naturang commercial ang awitin, at ang markado nilang sayaw na "Spaghetti [pataas-pababa]."

Pero bukod sa naturang commercial, inanunsyo rin ng grupo ang kanilang US tour ngayong taon.

Taong 1999 nang mabuo ang Sexbomb dancer para sa segment na "Laban o Bawi" ng programang "Eat Bulaga." Mula sa pagsasayaw, pinasok din ng grupo ang pag-arte sa telebisyon sa pamamagitan ng "Daisy Siete."

Noong 2013, nagpahinga ang ilang original Sexbomb Girls sa pagsayaw. Ang iba sa kanila, tumutok sa acting career. Gayunman, nanatiling maganda ang kanilang samahan.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo Jessica Soho," sinabi ng mga miyembro ng grupo na hindi naman sila tuluyang tumigil sa pagsasayaw.

"Actually po noon pa man po e nagsho-show na rin po kami, nagsasama-sama," ani Jopay.

"Intact pa rin naman po kami," dagdag ni Mia Pangyarihan .

Sabi ni Monic, pamilya ang turing nila sa kanilang grupo na walang limutan kahit may nangibang-bansa.

Hindi na rin daw nila mailalayo ang kanilang sarili sa Sexbomb.

Mga Pagsubok

Ayon pa sa miyembro, marami rin silang pagsubok na pinagdaanan nang maging bahagi ng Sexbomb.

Kabilang sa mahigpit na mga patakaran noon ay "bawal ang boyfriend."

Si Monic, ikinuwento kung ano ang ginawa nila ng kaniyang boyfriend pa lang noon na si Macoy.

"Two years na po kaming mag-boyfriend," saad niya. "Tapos sabi niya, 'Bawal na may relasyon.' Tapos may penalty half million or one million? So ang ginawa po namin ni Macoy, 'yung asawa ko po kasi mag-sa-sign na po ng contract. Mabilisan nagpakasal po kami sa Pampanga para 'yung pag-sign ko po ng contract wala na po siyang magagawa. Alangan paghiwalayin niya kami, married na nga e."

Bawal din umano sa grupo na mag-iba ng gupit. Kailangang mahaba at magkakapareho ang bawat miyembro.

Kahit sa kilos, dapat umanong magkakapareho.

Ayon kay Jopay, dapat matibay din ang loob kapag naging Sexbomb member.

"Kasi didiretsahin ka talaga, 'Ang tigas ng katawan mo,'" aniya. "'Pag balat-sibuyas ka, hindi mo kaya, out ka na. Lahat 'yun pinagdaanan namin."

Dagdag naman ni Sandy, "Kasi dapat tanggapin mo para matuto ka at i-improve 'yung sarili, ganun po dapat."

Dahil sa pagiging bata pa nila noon, may miyembro na hindi sumusunod sa patakaran. Dahilan para lagyan ng dati nilang manager na si Joy Cancio ng tracker ang kanilang mga cellphone.

"Mga 4 a.m. na kami nakauwi from show. Meron time kinuha ni Ate Joy lahat ng cellphone natin. Hindi namin alam na tracker siya," ani Mia. "Gumimik kami ni Aira... maya-maya nag-text si Ate Joy, 'Nasaan kayo?'"

"Nagpapanggap kaming tulog na. Tapos sabi niya, ''Pag hindi kayo lumabas diyan sa kyineme na bar na 'yan, papasukin ko kayo diyan!'"

Hataw muli

Ngayon, may kani-kanila nang pinagkakaabahan Sexbomb Girls. Gaya ni Sandy na engaged sa kaniyang longtime boyfriend.

Restaurant owner naman si Mia, at kumakanta si Monic sa choir.

Kaya laking tuwa nila nang magkasama-sama sila sa commercial para sa isang streaming platform.

"Ang nakakatuwa dun 'yung inaayusan nila kami kasi magkakahiwalay kami ng dressing room. Tapos nu'ng nagkita-kita kami sa iisang room parang, 'Grabe para tayong nasa Eat Bulaga!'" ani Mia. "Dun parang goosebumps no, tapos naririnig mo 'yung Spagheti.”

"Parang feeling namin bumalik kami sa pagiging 16 years old."

Naghahanda na rin sila ngayon para sa kanilang concert sa America na gaganapin sa darating na Hulyo.

"Hangga't may bata, may ispageting pababa," ani Mia.

Mensahe pa niya, “Sa mga fans na hanggang ngayon naniniwala pa rin at nag-aabang pa rin na magsama-sama kami na nandiyan, nanonood ‘pag alam nilang guest kami. Sobra pong maraming maraming salamat.”

--FRJ, GMA Integrated News