Ang Alzheimer's Disease ay bumubura sa alaala ng taong may ganitong karamdaman at bumabago rin sa kanilang pag-uugali.  Ngayon, nasa 55 milyon katao na umano ang may ganitong karamdaman sa mundo, ayon sa World Health Organization.

Sa isang episode ng "Pinoy MD," sinabing ang kakulitan ng 83-anyos na si Mommy Toyang ang bida sa vlogs ng content creator na si Nina Reyes.

“Kaya ang tawag namin sa kaniya ‘Donya Toyang’ kasi siya ‘yung tita ng bayan. Parang siya ‘yung takbuhan talaga ng bayan, very accommodating, very mapagbigay, very jolly,” sabi ni Reyes.

Pero naging makalilimutin na si Mommy Toyang dahil sa kaniyang edad, na na-diagnosed ng Alzheimer’s Disease noong 2018.

Paliwanag ng neurologist ng Makati Medical Center na si Dr. Donnabelle Chu, severe ang mga sintomas ng Alzheimer’s Disease na naapektuhan hindi lang ang memorya kundi pati ang pag-iisip, behavior ng tao, at mga pang-araw-araw niyang gawain.

Hanggang sa dumadalas at lumalala na ang pagiging makakalimutin ni Mommy Toyang, dahil nagkaroon na siya ng hallucinations, naging mas mainitin ang ulo, at hindi na niya maalala ang pangalan ng kaniyang mga mahal sa buhay, maging ang kaniyang mga anak.

Paliwanag ni Dr. Chu, numero-unong risk factor ng Alzheimer’s Disease ang edad, kung saan tumataas ang risk na maaari niyang makuha ang sakit habang siya ay nagkaka-edad.

“Minsan kapag si mama mainit ang ulo, ‘pag nagsalita wala ring filter ‘yung bibig, so nakakarinig sila ng bad words. Ayoko kakong lumaki ‘yung mga anak ko nang ganu’n. Kasi nagde-develop na rin sila ng anxiety eh,” kuwento ni Reyes.

Mas nakababahala pa ang pag-init ng ulo ni Mommy Toyang.

“Hindi ko in-expect na talagang sobrang hirap talaga mag-alaga ng may Alzheimer’s Disease. Dumating din ‘yung time na nag-aaway na kaming dalawa tapos nasasaktan na niya ‘yung mga apo niya kasi ‘pag mainit ang ulo niya may tantrums siya, wala na siyang kilala talaga. Hindi na siya puwedeng iwan. Palagi na lang siyang merong nakabantay kasi sabi nga nila ‘yung sakit na Alzheimers is talagang bumabalik sa pagkabata,” sabi ni Reyes.

Nakararanas din ng Alzheimer’s Disease ang 80-anyos na ngayong tanyag na manunulat na si Peng Arriola, na sumulat ng librong “History of the Burgis,” isa sa founding chairman ng organisasyong Gabriela noong panahon ng martial law at nagsusulong ng mga karapatang kababaihan.

“Medyo may Alzheimer’s na ako eh, kaya I’m no longer as bright. I’m not unhappy about my Alzheimer’s. Wala akong naiisip na something is wrong. I don’t mind if I forget things” sabi ni Mommy Peng.

Ayon kay Chu, shorter memory loss o mild cognitive impairment ang nararanasan ni Mommy Peng, isang stage sa gitna ng pagiging normal at pagkakaroon ng dementia.

Sa ganitong yugto, nagiging mas makalilimutin na rin ang tao at paulit-ulit ang kaniyang pagtatanong, ngunit nagagawa pa rin nila ang karaniwang ginagawa niya.

Sa ngayon, sinusubukan ng anak ni Mommy Peng na ma-delay ang progression ng sakit na dementia.

Para maiwasan ang Alzheimer’s, kailangang kumain ng mga masusustansiya para mapanatili ang blood pressure, cholesterol at blood sugar levels.

Nakatutulong din ang ehersisyo, at pag-iwas sa mga bisyo gaya ng alak at sigarilyo. Panoorin ang video para sa buong pagtalakay sa naturang usaping pangkalusugan. --FRJ, GMA Integrated News