Mula sa pagiging vloggers, mga influencer na ngayon na may kaniya-kaniyang negosyo ang Team Payaman. Ang mga miyembro nito na dating nakatira sa iisang bahay, mga magkakapitbahay na ngayon at magkakasama sa isang compound. Ano nga ba ang sikreto sa kanilang tagumpay?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," kinumusta ang Team Payaman, na nakapagsagawa na rin ng kanilang sariling event.

“Hindi kami makapaniwala na ngayon may ganitong event na kaming nagagawa. Maraming salamat sa Diyos,” sabi ni Viy Cortez, asawa ni Cong TV.

May kaniya-kaniya na ngayong forte ang bawat miyembro ng grupo, mula lifestyle, dance at hugot sa Tiktok. May sari-sarili na rin silang negosyo mula sa clothing, apparel, restaurant, mga pabango at pagkain.

Sa likod nito, ang paggabay sa kanila ni Cong, o Lincoln Velasquez sa totoong buhay.

“Siguro ang laking bagay ‘yung wisdom ni Cong. Kung ano ang landas na tinahak doon din kami pumupunta” sabi ni Viy.

Mula sa iisang bahay, magkakapitbahay na sa iisang compound ngayon ang mga miyembro ng Team Payaman.

Sa kabila ng kaniya-kaniyang pinagkakaabalahan, walang away o kompetensya ang mga miyembro sa kanilang mga negosyo, at nagtutulungan pang maiahon ang isa't isa.

“Siguro ‘yun po ‘yung masaya sa part namin, kaysa roon sa… bonus na lang ni Lord ‘yung mga nagkaka-business. Ang pinakamahalaga sa amin is ‘yung sinabi ni Ma’am Jessica na ‘Sabay sabay kayong tatanda. Pati ‘yung mga anak namin,’” sabi ni Viy.

-- FRJ, GMA Integrated News