Sa kaniyang ika-24 na taong kaarawan, ipinagtapat ni  Starstruck Ultimate Female Survivor Klea Pineda na isa siyang lesbian. Tatanggap pa rin kaya siya ng mga project na may kissing scene sa lalaki?

Sa Chika minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras Weekend" nitong Linggo, inihayag ni Klea na, "I'm proud na sabihin sa lahat ng mga Kapuso natin na I'm gay. I have a rainbow heart."

Inihayag din ng "AraBella" star na nagkaroon siya ng pag-aalinlangan na magtapat dahil sa pangamba na maapektuhan ang kaniyang career at sa kaligtasan din.

"'Yung takot, nandidiyan siya parati pero mas nangingibabaw 'yung excitement. For the longest time nagbe-base ako sa mga tao kung sino talaga ako," anang aktres.

"Ito 'yung masasabi ko na sa akin, na ako 'to, and I'm proud na ito ako," dagdag niya.

Ayon kay Klea, walang problema sa kaniya na itambal pa rin siya sa lalaki.

"Kaya ko pa naman makipag-kissing scene sa lalaki, hindi ko nililimit 'yung sarili ko when it comes to my work," pahayag niya.

Ibinahagi rin ni Klea sa kaniyang Instagram account ang kaniyang paglalantad bilang lesbian.

"My 24th birthday is extra special since I finally mustered up the courage to come out to the world as my true authentic self," anang aktres. "I want the world to know that I am a proud member of the LGBTQIA+ community."

Batid umano ng Sparkle actress na mayroong mga hindi makakaunawa sa kaniyang paglantad, pero umaasa siya na magiging inspirasyon siya sa iba.

"Alam ko mahirap at nakakatakot, but please know na walang mali sa atin at walang kulang sa atin kahit pa magpakatotoo tayo. Marami man ang manghusga, mas marami pa rin ang tatanggap at magmamahal sa’yo nang buong-buo," mensahe ni Klea.

Pagtiyak ni Klea sa kaniyang fans, walang magbabago sa kaniya, at patuloy niyang aabutin ang kaniyang pangarap.

"From now on, I want to live my life fearlessly. Sana samahan nyo ako sa paggawa ng sarili kong kwento na alam kong tunay na magpapasaya sa akin," ayon kay Klea. 

Kamakailan lang, inamin ng Kapuso actor na si Jeric Gonzales na niligawan niya noon ang dati niyang leading lady na si Klea.

Kinumpirma naman ito ni Klea. — FRJ, GMA Integrated News