Bumuhos ang mga luha sa isang lamay matapos magbihis ng wedding gown ang isang babae na nakatakda na sanang ikasal sa pumanaw niyang nobyo sa Guihulngan, Negros Oriental. Ang lalaki, namatay isang buwan bago ang nakatakda nilang pag-iisang dibdib.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din sa GMA News Feed, sinabing nagluluksa si Mary Jane Escribano sa pagpanaw ng kaniyang 33-anyos na fiancé na si Jestoni Haincadto sa araw pa man din ng kanilang ikalimang anibersaryo bilang magkarelasyon matapos na atakihin sa puso.

Doble ang sakit na naramdaman ni Mary Jane dahil isang buwan na lang ay nakatakda na sana silang ikasal ni Jestoni.

Kahit pumanaw na si Jestoni, pinili ni Mary Jane na ituloy pa rin ang pagbabasbas sa kanila ng pari, kaya isinuot niya ang kaniyang wedding gown isang araw bago ang libing ng kasintahan.

Isinagawa naman ng pari ang seremonya na ginagawa sa mga ikinakasal.

Nagpipigil ng kanilang emosyon ang bride at ang mga kaanak ng groom. Ngunit tuluyan nang bumuhos ang kanilang mga luha nang halikan ni Mary Jane ang kabaong ni Jestoni.

Gayunman, hindi kinikilala ng Simbahang Katolika ang pagpapakasal ng isang buhay na tao sa patay, ngunit puwedeng ibigay sa kanila ang basbas ng pari. --FRJ, GMA Integrated News