Isang aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo na nasawi ang angkas ang nirespondehan ng rescue team sa Concepcion, Tarlac. Pero nang i-post sa social media ang video, may nakapansin sa mga nakapanood na tila may "white lady" na nakuhanan sa video. Pero ang mga eksperto sa video at photography, may paliwanag tungkol sa lumitaw na imahe.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon," sinabing nangyari ang aksidente sa Barangay Alfonso na nirespondehan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Ayon kay Chester Paul Cunanan, kasama sa nag-rescue, namatay ang backride na nahulog mula sa motorsiklo.

Limang araw makaraang i-post ng MDRRMO ang video sa ginawa nilang pag-rescue, may makapansin umano sa mga nakapanood na tila may babaeng nakaputi sa naglalakad sa damuhan sa likod ng rescue team na abala sa pag-asikaso sa mga naaksidente.

Ang naturang video, umani ng iba't ibang reaksiyon sa netizens.

"Pagpost namin, after five days, doon pa lang namin nalaman na may ganoon pala. Kasi may nag-message sa amin, 'paki-check yung video niyo parang mayroon lumabas na white lady sa damuhan,'" ayon kay Cunanan.

Pero paliwanag ng isang image expert, "optical ghost" ang nakita sa video.

"Sa akin, ang nakita ko ay isang ghost pero ang tinutukoy kong ghost sa photography ay optical ghost. Ito ay maaaring na-form through the reflection of light," paliwanag ni Gerald Gloton, isang instructor sa photography sa Our Lady of Fatima University.

Binigyan niya ng pansin ang ilaw ng ambulansiya na patay-sindi at sumasabay umano sa paglitaw ng imahe na tila white lady. 

Ang professional videorapher na si Martin Joseph de Lara, naniniwala rin na reflection din lang ng ilaw na galing sa ambulansiya ang puting imahe.

Posible umanong mayroon bagay sa lugar na tinatamaan ng ilaw na galing sa ambulansiya.-- FRJ, GMA Integrated News