Naging usap-usapan sa social media ang insidente sa Cebu City kamakailan na tatlong babaeng maganda ang sinapak ng isang lalaki sa magkakaibang lugar. Ang naarestong suspek, inilahad ang tunay na dahilan sa kaniyang ginawa.
Gabi noong June 9, Linggo, nang magkakasunod na atakihin sa magkakaibang lugar ng suspek na si "Albert," ang tatlong babae na sina Mary Claire, Irvette at Erica.
Dakong 6:00 pm habang naglalakad si Mary Claire nang makasalubong niya sa daan ang suspek at bigla na lang siyang sinapak na nagpadugo sa bahaging itaas ng kaniyang ilong.
Pauwi naman na si Irvette dakong 7:00 pm nang bigla rin siyang suntukan sa mukha ng nakasalubong niyang suspek na dahilan para magkapasa ang kaniyang mata.
Ang ikatlong biktima naman na si Erica, nahuli-cam nang makasalubong rin niya sa gilid ng bangketa si Albert at walang sabi-sabi na siniko siya nito na tumama sa kaniyang noo.
Ang suspek, nahuli naman ng mga tao at kinuyog bago pa siya nadala sa presinto.
Sa loob ng kulungan, ikuwento ni Albert bago pa siya nabugbog ng mga tao dahil sa ginawa niyang pananapak sa mga magagandang babae, nabugbog na rin siya noong hapon pa lang ng Linggo sa labas ng isang computer shop.
Ayon sa suspek, habang naglalaro siya ng computer, isang bata ang kaniyang katabi na nangungulit sa kaniya kaya pinagsabihan niya.
Pero nang hindi raw tumigil ang bata sa pangungulit, itinulak niya ito. Doon na raw siya inatake ng may-ari ng computer shop at tumakbo siya palabas.
Ngunit sa labas, anim na lalaki umano ang humarang sa kaniya at ginulpi siya.
"Sa galit ko dahil sa pangyayari na yon,' hindi talaga matahimik yung utak ko kaya napag-isipan ko na gumanti," ani Albert.
Ang napagdiskitahan niyang gantihan, mga babaeng magaganda.
"Mahina ang mga babae, hindi sila masyadong agresibo kaya doon ko nalabas yung galit ko. Nasa isip ko na rin na yung magaganda ang susuntukin ko kasi kapag pangit wala rin kuwenta. Sa tingin ko magkakaroon ng kuwenta yung ginagawa ko dahil sa kagandahan nila," paliwanag niya.
Sa kabila nito, desidido ang tatlong babae na ituloy ang pagsasampa ng reklamo laban kay Albert.
Giit ng isa sa kanila, walang karapatan ang sinuman at hindi dapat gawing katwiran ang pananakit sa kababaihan dahil sa tingin nila ay mahina.
Ano nga ba ang parusang maaaring tanggapin ni Albert sa kaniyang ginawa, at ano ang maaaring gawin ng mga babae kung sakaling maharap sa katulad na sitwasyon? Panoorin sa video ang buong kuwento.-- FRJ, GMA Integrated News