Gising at nagkukuwento tungkol sa kaniyang mga alagang aso ang isang lalaki habang inooperahan ang kaniyang utak. Nangyari 'yan dito sa Pilipinas.
Sa video ng FYP ng GMA Integrated News, ang lalaking inoperahan ay si Jerry Lakandula, isang dog lover na may 30 alagang aso ngayon.
Nagsimulang maging dog lover si Jerry noong 2012 matapos siyang ma-diagnose na may Parkinson's Disease.
Ayon kay Dra. Jonna Datu, Neurologist-Psychiatrist, ang Parkinson's ay sakit sa nervous system na unti-unting nakakaapekto sa pagkilos ng katawan.
Ang karaniwang sintomas nito ay panginginig, mabagal na pagkilos, at paninigas ng kalamnan. Habang lumalala ang sakit, mas nagiging mahirap umano sa pasyente ang kanilang paggalaw.
Sinabi ni Jerry na ang mga alagang aso niya ang nakatulong para patuloy siyang gumalaw at kumilos.
At kahit mayroon siyang sakit, nanatiling tapat sa kaniya ang kaniyang mga alaga.
"When you have Parkinson's you have to keep on moving and my dog kept me moving, kept me grounded, kept me moving every morning. This is one of the reasons why I'm still here," saad niya.
Itinuturing ni Jerry na utang niya sa kaniyang mga alagang aso ang ikalawa niyang buhay. Nagsilbi raw ang mga aso na kaniyang emotional support habang nakikipaglaban sa Parkinsons.
Hanggang sa isalang si Jerry sa operasyon sa utak na tinatawag na Deep Brain Stimulation o DBS.
Kuwento nito, sadyang may parte sa operasyon na kailangan siyang gisingin.
"Gigisingin ka nila kasi kailangan nilang tanungin, kailangang makita kung anong movement and ima-manifest mo. Mayroong hindi tama sa ginawa nila, ma-address nila kaagad," pagbahagi niya.
"Lalagyan ng pacemaker yung utak mo. Nilagyan nila ng wire yung right and left hemisphere para ma-control nila yung brain activity kapag in-on nila yung DBS," dagdag niya.
Nang gisingin siya habang inooperahan, sinabi ni Jerry na tinanong siya ng mga duktor kung ano ang paborito niyang kanta.
"Sabi ko, 'sorry kasi hindi ako marunong kumanta," saad niya. Hanggang sa nalaman ng mga duktor ang kaniyang pinagkakaabalan at napunta na ang usapan sa mga alaga niyang aso.
Sa kaniyang pakikipag-usap, sinabi ni Jerry sa mga duktor na loyal ang lahat ng aso, hindi gaya ng tao.
Ayon kay Dr. Datu, kadalasang gising ang pasyente sa ganoong operasyon para masiguro na nasa tamang lokasyon ang ilalagay na electrodes para maiwasan ang mga sensitibong lokasyon ng utak.
Kabilang ang lokasyon ng utak na kumokontrol sa pagsasalita, paggising o paggalaw ng tao, na delikado umano kapat tinamaan.
May itinatanong at ipinapagawa rin sa pasyente para masubok ang kanilang malay.
Ipinaliwanag din ni Datu na malaking tulong ang DTS para makontrol ang sintomas ng sakit at mapabuti ang kalidad ng buhay ng pasyeteng may Parkinsons.
Ngayon, patuloy na nagpapagaling si Jerry kasama ang kaniyang pamilya at mga alagang aso. -- FRJ, GMA Integrated News