Sa bagong henerasyon ngayon, marami ang hindi nakaaalam kung bakit nga ba marami ang humahanga sa nag-iisang Superstar ng Philippine showbiz na si Nora Aunor, na kilala rin bilang si "Ate Guy." Balikan at alamin ang kuwento ng kaniyang buhay sa episode na ito ng "I-Witness."Maraming hirap at pagsubok muna sa buhay ang pinagdaanan ng isa sa mga pinakamaningning na bituin sa showbiz na si Nora Aunor bago siya nakilala bilang "Superstar."Ang pagiging isang dalagitang kontesera ang isa sa mga naging paraan niya noon para makatulong sa pangangailangan ng kaniyang pamilya."Pumapasok ako sa school, nakayapak ako. Kasi nga hindi kami maibili ng bakya man lang ng nanay ko. Ang ginagawa ko dahil sa malayo 'yung eskwela namin, doon ako sa pilapil dumadaan," kuwento ni Nora.Naranasan din ni Nora na dumaan sa tambakan ng basurahan para hindi masyado mainitan ang kaniyang mga paa, at mamumulot din siya ng mga tingga para ibenta.Nagtitinda rin noon si Ate Guy ng tubig sa riles ng tren, at mga ulam tuwing tanghali.Hanggang sa isang araw, sumali si Nora sa isang kantahan sa fiesta at nanalo. Ginamit niyang pambayad ng kanilang utang ang kaniyang napanalunang pera. Kalaunan, naging daan ni Nora ang pagkanta para kumita at naging tulay para makapasok sa showbiz.Sumali si Nora sa dating singing contest na "Tawag ng Tanghalan," kung saan ginamit niya ang tunay niyang pangalan na Nora Villamayor pero hindi siya pinalad na manalo.Sa ikalawa niyang pagsabak, ginamit niya ang apelyido ng kaniyang tiyuhin na "Aunor," at siya ang naging kampeon. Matapos nito, sunod-sunod na ang dating ng biyaya sa kaniya gaya ng mga recording, TV show na "Superstar," at mga pelikula.Binalikan din ni Ate Guy noong pinapili siya kina Tirso Cruz III o "Pip," at Edgar "Bobot" Mortiz, kung sino ang gusto niyang makatambalan.Sa kabila ng kaniyang kasikatan, nakaranas din ng mga pagsubok sa career at personal na buhay si Ate Guy. Gaya ng paglalaro sa e-games, na kaniyang itinanggi na "nalulong" umano siya rito.Binabulaanan din niya ang isyung nasangkot siya noon sa ilegal droga."Hindi ako puwedeng mag-droga. May asthma ako, mamamatay ako 'pag nag-droga ako. Sa totoo lang, may asthma ako eh," depensa ni Nora.Pagkaraan ng mga pagsubok, hindi sumuko si Ate Guy at nagpatuloy sa paggawa ng mga indie film, na humakot ng mga award sa Africa, Asia, Europe, Australia at North America.Sinasabing si Ate Guy lamang ang natatanging Pilipinong artista na nakagawa nito.Nakita rin kung gaano kalapit si Ate Guy sa kaniyang fans na tila kapatid niya kung ituring.Taong 2022 nang hirangin si Nora Aunor, kasama ang anim na iba pa bilang mga National Artist ng bansa. Ilan sa mga pelikula na ginawa ni Nora ay ang "Minsa'y isang Gamu-gamo," "Bulaklak sa City Jail," "Thy Womb," "The Flor Contemplacion Story," "Bilangin ang Bituin sa Langit," "Himala," at marami pang iba.Kabilang sa mga huling niyang pelikula na ginawa ang "Mananambal," na kasama si Bianca Umali, at ang "Pieta," na bida si Alfred Vargas.Nitong Miyerkules ng gabi, pumanaw si Ate Guy sa edad na 71. -- FRJ, GMA Integrated News