Pinatunayan ng isang mister ang wagas na pagmamahal niya sa kaniyang misis na may stage 5 chronic kidney disease (CKD). Dahil nangangamba siyang mawala ang kabiyak niya sa buhay, hinarap niya ang kaniyang takot sa injection para mai-donate ang isa niyang kidney sa asawa.
Sa For You Page ng GMA Public Affairs, ikinuwento ng mag-asawang Christian Paul Samson at Veronica Joyce Cawigan Samson, na apat na taon muna silang magkarelasyon bago sila nagpakasal.
Hanggang sa dumating ang malaking pagsubok sa kanilang pagmamahalan nang matuklasan na may stage CKD na si Joyce.
"2021, unfortunately na-diagnose po ako, stage 5. The same day po kinailangan ko pong mag-emergency dialysis, since March 2021, nagda-dialysis na po ako so that's four years po," sabi ni Joyce.
Ayon kay Christian, "Nalungkot po ako noon siyempre tapos tuwing nagda-dialysis siya nahihirapan din po ako. Iniisip ko na kapag may sakit na ganu'n, parang hindi na magtatagal, may taning na sa buhay."
Dahil stage 5 na at seryoso ang karamdaman ni Joyce, agad na nagprisinta si Christian na ibigay sa kasintahan pa lang niya noon, ang isa niyang bato.
"Siyempre natatakot po ako, hindi po ako pumayag. Hindi pa po kami kasal noon, mag-boyfriend pa lang kami. Tapos after po nu'n, ilang months, nag-propose po siya. Alam ko isa sa mga dahilan po noon, dahil gusto nga niyang mag-donate talaga," sabi ni Joyce.
Dito sobrang napatunayan ni Joyce na nakita na niya ang taong handang magsakripisyo para sa kaniya.
Matapos ang kanilang kasal, agad na inasikaso ni Christian na maisagawa ang kanilang kidney transplant.
Agad silang nagpakonsulta sa doktor upang malaman kung match si Christian bilang donor para kay Joyce.
Sa kabila ng pagbagsak ng kaniyang katawan dahil sa kaniyang karamdaman, buo ang loob ni Joyce dahil alam niyang hindi siya nag-iisa sa laban.
Sa bawat pagkakataon, dinadamayan siya ng asawang si Christian sa pagpabalik-balik nila sa ospital.
"May time po kasi noon na nag-emergency dialysis ako, 'yung parang hirap po talaga akong huminga, tapos hindi po ako aware na naka-join pala siya sa mga kidney transplant groups, pages tapos nagbabasa siya. Nahiligan niyang nagbabasa. Tapos minsan may mga times nakikita niya, 'Love tingnan mo ito, 'yung asawa niya nag-donate ng kidney, okay naman siya, tumaba-taba pa nga siya, ang healthy niya,' ganoon po 'yung mga sinasabi niya," kuwento ni Joyce.
Ayon kay Christian, takot siya sa injection pero mas nakakatakot siya kapag nawala ang kaniyang kabiyak dahil "siya 'yung meron na lang po ako."
Dahil sa suporta at kalinga ng isa't isa, naging matagumpay ang kanilang operasyon.
"Masaya po ako siyempre lagi kong tinatanong, ano ba 'yung nagawa ako bakit binigyan ako ng ganito? Pero lagi akong thankful po sa kaniya. Sinasabi ko na kahit na kahit anong gawin ko, hindi ko masusuklian 'yung ginawa niya para sa akin," sabi ni Joyce tungkol sa asawa.
"Lagi po akong nagpapasalamat kasi ayun nga, hindi niya ako iniwan," sabi ni Joyce.
"Masayang masaya po ako siyempre hindi na siya magda-dialysis and hindi ko na po siya nakikitang nahihirapan," ayon kay Christian.-- FRJ, GMA Integrated News