Sa nangyaring kilos-protesta laban sa katiwalian kamakailan na ginawa sa Maynila, isa sa mga nakatawag ng pansin ang 32-anyos na lalaki na ang kasama sa panawagan ay ibaba ang presyo ng fishball, kikiam, at iba pang street food. Kinalaunan, binansagan siya ng netizens na “Fishball Warrior,” at kasama sa mahigit 100 tao na inaresto ng mga awtoridad. Nasaan na nga ba siya ngayon? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” nakilala ang lalaki na si Alvin Karingal, residente ng Pandacan sa Maynila. Ayon sa kaniyang ina na si Marianne, ilang araw muna ang lumipas bago niya nahanap ang anak makaraan niyang mabalitaan na inaresto ito ng mga pulis kasunod ng nangyaring kaguluhan sa kilos-protesta.
Paglilinaw ni Marianne, hindi fishball vendor ang kaniyang anak, bagaman mahilig itong kumain ng street food na kung minsan ay iniuulam pa.
At habang ginagawa ng KMJS ang naturang panayam kay Marianne, hindi pa rin nakakauwi sa kanila si Alvin, at nasa kustodiya pa rin ng mga pulis.
Napag-alaman din na taong 2018 nang diagnose si Alvin na may schizophrenia, o kondisyon sa pag-iisip.
Ayon kay Marianne, nakaisang semester lang sa kolehiyo si Alvin at natigil na dahil may nadidinig itong bumubulong sa kaniya ng kung anu-ano.
Mayroon umanong gamot na iniinom si Alvin at nakakausap naman siya nang maayos. Bukod ito, nakakatulong din siya sa pamilya.
Nitong nakaraang halalan, napag-alaman na naghain si Alvin ng kaniyang kandidatura para tumakbong alkalde sa Maynila.
“Mahilig siyang makinig ng mga balita, mayroon po siyang pakialam sa bansa lalo na about corruption. Hirap din kami sa buhay, naso-short yung budget namin sa pagkain. Minsan wala kaming ulam,” ani Marianne.
Sa mga araw na hindi pa nakikita ang kaniyang anak nang arestuhin, nangangamba si Marianne sa kung ano ang posibleng mangyari kay Alvin dahil na rin sa kondisyon nito sa pag-iisip.
“Wino-worry ko kasi baka ito sumpungin at the same time patulan ng mga tao doon ng mga kasama niya sa prison,” ani Marianne.
Makalaya na kaya si Alvin ngayon na nalaman na ng mga awtoridad na mayroon siyang kondisyon sa pag-iisip? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng “KMJS.”—FRJ GMA Integrated News
