Kahit dalawang taong nakulong, pinagbutihan pa rin ng isang dating PDL o person deprived of liberty ang kaniyang pag-aaral. At nang makalaya, ilang beses siyang sumabak sa board exam sa hangarin na mag-top upang mabigyan niya ng karangalan ang kaniyang paaralan. Nagtagumpay kaya siya? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala ang 27-anyos na si Daniel Quisa-ot mula sa Don Carlos, Bukidnon, na may hawak ng apat na lisensya sa Professional Regulation Commission (PRC) bilang registered electrical engineer, plant mechanic, master plumber, at master electrician.

Bata pa lang, itinuring na si Daniel na isang math wizard dahil sa galing niya sa numero. Katunayan, iskolar na siya noong bata pa lamang at nangangarap na maging isang inhinyero.

“Gusto ko po kasing mag-top sa board exam, kaya panay ako exam nang exam para magbigay honor sa university po kung saan sila 'yung tumulong sa aking makatapos sa pag-aaral,” kuwento ni Daniel.

Hindi man niya nakuha ang inaasam-asam na manguna sa board exams, hindi rin naman niya inasahan na magkakaroon siya ng apat na lisensiya.

Bago nito, natigil sa pag-aaral si Daniel matapos malihis ng landas at makulong. Nasa ikalawang semester niya sa huling taon sa kolehiyo nang makulong siya.

“Malaki po 'yung adjustments po kasi mas mahirap du’n, 180 degrees opposite sa kung saan ako lumaki na environment. So malaki po 'yung adjustments,” ani Daniel.

Kahit na umikot ang kaniyang mundo sa loob, pilit niyang inilaban ang pangarap na diploma.

Laking pasasalamat din ni Daniel nang payagan siya ng pinapasukang unibersidad na magpatuloy siya sa pag-aaral kahit nakakulong siya. Kaya sa piitan na niya tinapos ang kaniyang last semester at thesis.

Sa gitna ng mga hamon ni Daniel sa kulungan, wala namang mintis sa pagbisita at pagsuporta sa kaniya ang kaniyang ina na si Antonia.

“Ako ang nagdadala sa kaniyang exam. Pupunta ako sa Musuan at pupunta naman ako ng PDRC. Pagdating ko sa PDRC, sasagutan niya ang kaniyang test paper. Ganiyan ang ginagawa ko na grabe ang aking sakripisyo for the sake of makatapos lang siya ng kaniyang pag-aaral,” ani Antonia.

Nagsilbi ring inspirasyon si Daniel sa mga kapwa niya inmate, nang magkaroon siya ng katungkulan at naging trustee, mayor at bastonero sa loob.

Pero sa gitna ng mga ito, isa pang hamon na hinarap ni Daniel habang nakakulong nang malaman niyang may stage 4 colon cancer ang kaniyang ama.

“Ang sarap nang tumakas sa mga panahon na ‘yun eh, makita ko lang si papa na buhay,” sabi niya.

Patapos na rin noon ang kaniyang sintensiya kaya ipinagdasal niya na makalaya na siya para makasama pa ang ama. Ang panalangin niya, tila dininig ng Diyos.

“Na-dismiss 'yung case, nakalaya ako. Naabutan ko pa 'yung papa ko na buhay, pero nasa higaan na po. Ang saya ko kasi naabutan ko pa 'yung papa ko na nakita pa kami. Sumigla po siya sa panahon na dumating ako sa bahay,” kuwento niya.

Ngunit tila hinintay lamang ng kaniyang ama ang kaniyang paglaya, dahil makaraan lang ang isang linggo, namaalam na ito.

Pangako ni Daniel sa pamilya, babawi siya at magtatagumpay sa labas. Kumuha siya ng mga board exam at kaniyang mga naipasa. Hanggang sa maging isa na siyang electrical engineer sa isang government agency.

Busy man sa trabaho, hindi pinalampas ni Daniel na bisitahin ang puntod ng kaniyang ama.

“Lord, salamat, Lord. Ang bait po ni papa. Na-sacrifice 'yung buhay niya para sa kalayaan ko. Na-realize ko, Lord na 'yung buhay niya, ‘yun pala siguro 'yung kapalit ng kalayaan ko. Pero mas the best po kayo, Lord. Thankful ako sa buhay ni papa. Thankful din po ako sa Inyo,” sabi niya sa pagbisita sa libingan ng ama.

Binisita rin ni Daniel ang piitang minsan niyang naging tahanan, at ipinakita ang pipes na kaniyang ikinabit.

“Masasabi ko lang sa kaniya, na ma-inspire ‘yung iba na persons deprived of liberty, na hindi pa huli ang lahat kahit nandito kayo sa loob. Let your experience as PDL as your lesson learned and inspiration to others, even inside the fellow PDLs and even the outside,” mensahe ni Nelson Balaba, Provincial Warden ng PDRC Bukidnon kay Daniel.

Inihayag ni Antonia ang pagiging proud niya sa anak.

“Maligaya tayo dahil successful ang ating anak. At hindi rin basta-basta ang aming napagdaanan pero at the end may happy ending din pala at may tagumpay sa bawat pagsubok,” ani Antonia. – FRJ GMA Integrated News