Tila minana ng isang dalaga ang “happy crush” love story nila ng kaniyang nobyo, na hawig sa naging kuwento ng pag-iibigan noon ng kaniyang mga magulang sa Maria, Siquijor. Ang mag-ina, parehong nagsimula sa pasulyap-sulyap ang pagtingin sa kani-kanilang naging asawa.

Sa nakaraang episode ng Good News, ipinakita ang viral post ni Reesel Mag-abo tungkol sa simpleng love story nila ng nobyong si Nicos, na mula sa “happy crush” ay nauwi sa totohanan makaraan ang ilang taon.

Freshman si Reesel nang una niyang mapansin si Nicos, dahil nadadaanan niya ang building ng binatilyo noon papunta sa building ng sarili niyang department.

“I would notice him kasi palagi kasi siyang nasa labas ng classroom. Ewan ko ba, very athletic, gwapo pa, tapos mataas. So ‘yan talaga 'yung type [ko]. Kasi kapag naghahanap ka ng happy crush, 'yun talaga e,” ani Reesel.

Ang simpleng crush nilang love story, kagaya pala sa mga magulang ni Reesel. Kung si Reesel, inaabangan sa classroom noon si Nicos, ang ina niya namang si Desserie, sa library inaabangan ang crush niyang si Arnell, ang naging tatay Reesel.

“Tuwing umaga, pumupunta kami sa library. Ito, nakikita ko talaga. Kumbaga, nakuha 'yung attention ko kasi para sa akin, ang gwapo niya, ang linis-linis. Tapos ayun, naging crush ko siya,” kuwento ni Desserie.

Mula sa paabang-abang at pasulyap-sulyap ng mag-ina, humantong na ito sa seryosong crush.

“Kahit wala po akong kailangan naman doon sa part ng building nila, talagang dumadaan talaga ako para lang makita siya. At napakalayo pa ng building namin,” sabi ni Reesel.

Ganito rin ang sitwasyon ni Desserie, na kilig to the max sa tuwing makikita si Arnell noong high school.

“Tuwing umuuwi kami, ‘pag nakita ko siya, sumisigaw ako, ‘Nakita ko na ulit 'yung crush ko!” sabi ni Desserie.

Tulad ng pag-ibig, pareho rin ang heartbreak ng mag-ina. Nanatiling lihim ng ilang taon ang kanilang mga pagtingin sa kanilang mga natitipuhan, dahil parehong may mga nobya ang mga crush nila.

“Mayroon akong pagtingin sa kaniya, pero ang problema roon, may syota ako dati. So hindi ako nakaporma sa kaniya,” kuwento ni Arnell.

Makalipas ang apat na taon sa high school, hindi nagsara ang pinto ng pag-ibig sa mag-ina.

Muling nagkita noon ang mga magulang ni Reesel. Si Reesel naman, may simpleng reto mula sa isang kaibigan na naging daan sa muling nilang pagtatagpo ni Nicos.

“Name niya Vince Nicolas Cataag, tapos sabi ko, sandali lang, parang familiar 'yung name, Vince Nicolas Cataag. Tapos sinearch ko agad sa phone ko tapos chineck ko, oh my gosh! Sabi ko talaga, ito 'yung happy crush ko. Tapos sabi ko kay Janna, ‘Janna ibigay mo sa kaniya 'yung name ko kasi gusto ko 'yun maka-chat!’” kuwento ni Reesel.

“I stalked her Facebook profile and then I liked her face. Nagandahan ako sa kaniya. Then ‘yun, nag-chat ako, feel ko type ko siya. Then ‘pagka-chat namin, ka-vibes ko din siya. Gusto ko lang maka-chat,” ayon naman kay Nicos.

Birong tanong ni Reesel sa nobyo, “‘Yung iba?”

“Wala, wala nang iba. Ikaw lang,” tugon naman ni Nicos.

Palihim muna ang pag-iibigan nina Reesel at Nicos dahil mga bata pa sila, at may kasunduan noon ang dalagita sa kaniyang mga magulang.

“I feel like it was just a matter of, I don't know, parent instincts that they finally noticed nga I'm already seeing someone. Hindi ko talaga alam pa na-re-react 'yung papa ko kasi talaga ‘yun, kapag nalaman niya na may nanliligaw na po sa akin, baka anong masabi niya,” ani Reesel.

Kahit na nalaman niyang istrikto ang mga magulang ni Reesel, hindi siya nagpatinag at buong lakas na humarap sa kanila sa ngalan ng napupusuang dalagita.

Humanga naman si Desserie kay Nicos, dahil nilalakbay nito ang kanilang tahanan na mabukid, mahirap ang daanan at pitong kilometro ang layo mula sa bayan.

Sina Desserie at Arnell na minsan ding napagdaanan ang pagbo-boyfriend at girlfriend, naunawaan nila ang anak at ibinigay sa dalagita ang kanilang basbas, lalo’t positibo ang epekto nito kay Reesel.

“Kahit sinasabi ko nga bawal mag-boyfriend, pero pinu-prove niya sa sarili niya na kaya niya 'yung may boyfriend at saka sa pag-aral. So, na-balance niya kasi. So, nakita naman, nag-Latin honors siya, natuwa naman ako,” sabi ni Arnell.

Hindi naman palaging masaya ang kuwentong pag-ibig ng mag-inang sina Reesel at Desserie.

Pinaglayo ng distansya sina Reesel at Nicos nang mangibang bansa si Nicos.

“Hindi kami sanay na hindi nagkikita halos everyday. 'Yun 'yung naging challenge sa paging LDR namin. Medyo mahirap 'yun sa part ng aming relationship. Mag-sideways 'yung relationship namin kasi hindi talaga namin alam kung ano 'yung gagawin namin sa feeling na malayo kami,” sabi ni Arnell.

Kagaya nina Reesel at Nicos, naghiwalay din sina Desserie at Arnell.

“Tatlong araw lang kaming magkasyota, kasi niligawan ko siya, sinagot ako ng Friday. Pagkabalik ko galing sa probinsya, hiniwalayan na naman ako ng tatlong araw lang. Hindi isang linggong pag-ibig. Tatlong araw ang pag-ibig lang,” kuwento ni Arnell.

Naudlot man ang kanilang pag-iibigan, nagkabalikan naman sina Desserie at Arnell at ikinasal noong Mayo 18, 2002.

Tila destiny ang nangyari, dahil parehong petsa pala nang ikinasal din ang mga magulang ni Nicos.

“Noong nag-post ako ng anniversary namin, friend kami sa Facebook ng parents niya. May post din 'yung parents ni Nicos na anniversary din nila” ani Desserie.

Kaya naman kung ikakasal man sina Reesel at Nicos, walang ibang gusto ang mga magulang nila kundi Mayo 18 din, para daw tatlo na silang magdidiwang.

“Ang dasal namin, sila na talaga,” sabi ni Desserie kina Reesel at Nicos.

Sina Reesel at Nicos na sinubok ng LDR, hindi sumuko sa kanilang love story, na ngayo’y mahigit anim na taon nang kasal.

“We were able to overcome it. We were able to discover new things about ourselves, like separately. And I feel like that was needed. I feel like that point in our relationship, 'yun po talaga 'yung nag-test. It made our relationship even stronger,” sabi ni Reesel. – FRJ GMA Integrated News