Hitik sa iba’t ibang klase ng buhay-ilang ang isang misteryosong kuweba sa Trinidad, Bohol, na may tagapagbantay umano na tinatawag na mga “puting diwata” ng tubig. Ngunit may banta nga ba sa mga hayop na naninirahan sa kuweba? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Born To Be Wild,” agad sinalubong sa kuweba ang team nina Doc Ferds Recio ng mga “residenteng” black bearded tomb bat na nagpapahinga para sa paghahanap ng pagkain kinagabihan. Ang iba naman, naglinis ng kanilang sarili.

Gumagamit sila ng echolocation o sunwaves sa paghahanap ng pagkain sa dilim at para malaman kung ano ang nasa kanilang paligid.

Bukod sa mga paniki, tinitirahan din ito ng mga swiftlet o balinsasayaw. Mga monogamous o “stick to one partner” lamang ang mga klase ng ibong ito.

Salitan sa kuweba ang mga balinsasayaw at paniki. Umaalis sa gabi ang mga paniki, habang sa umaga naman umaalis ang mga balinsasayaw.

Mistulang “buhay” na laboratoryo ang kuweba dahil sa mga hayop na piniling manirahan sa dilim, na pinag-aaralan ng grupo ni Dr. Reizl Jose ng Bohol Island State University - Bilar Campus.

Ayon kay Dr. Reizl, nadagdagan ang lahi ng mga paniki na mula sa tatlong species ng insect bat, nadagdagan pa ng isa.

Sa pagbaybay nina Doc Ferds sa kahabaan ng kuweba, narating din nila ang bahaging may tubig. Dito nakatira ang tagapagbantay umano ng kuweba, na mga “puting diwata” na hito o catfish.

“So, 'yung mga bata na nakikipaglaro, hindi nila ginagalaw kasi sabi po nila, mga diwata daw po ‘yun,” ayon kay Ferni Villamor, tourism officer ng munisipalidad ng Trinidad.

Nagsisilbing breeding ground na ng mga hito o catfish ang freshwater pool sa loob ng kuweba. Sensitibo sila sa liwanag at halos puti na ang kanilang kulay sa halip na karaniwang itim.

Para magkaroon ng pagkain at mabuhay, nakadepende ang mga catfish sa iba pang species ng hayop na nakatira rin sa kuweba, gaya ng paniki.

Dahil limitado ang pagkain sa loob ng kuweba, itinuturing scavenger ang mga catfish, na kinakain ang guano o dumi ng paniki.

May isa pang obserbasyon si Doc Ferds tungkol sa kuweba.

“Usually ang sabi nila ang dami raw dito na bats. Pero pagdating namin sa loob halos wala na kaming inabutan. May roosting sites, na pinagkakapitan ng mga bats. May mga pangilan-ilan na bats. Isa ito, siguro sa indication na disturbed itong area kasi nga, it's open for tourism and all. Madaming pumupunta ng mga turista up to this point,” ani Doc Ferds.

May ilang nakaukit din na mga sulat ng tao sa kisame ng kuweba.

“Sa na-observe natin ngayon, medyo kumunti talaga 'yung population ng bats. Based du’n sa, as compared du’n sa last time na nandito kami more than 10 years ago. Gusto ko lang i-emphasize dito na 'yung caves are critical habitats for bats and other organisms. And these bats, they produce guano. And considered din sila, 'yung mga bats na nasa loob, considered as keystone species dahil 'yung guano nila support diverse wildlife,” sabi ni Dr. Reizl.

“Kung ano 'yung nakikita natin ngayon, ano 'yung conditions or situation ng cave na ‘to. Threatened 'yung mga bats due to human disturbances,” dagdag niya.

Ayon pa kay Dr. Reizl, walang problema sa turismo ngunit dapat na “strictly regulated.”.

Sinabi naman ni Villamor na kontrolado o may limit na 5-10 turista ang maaaring pumasok sa kuweba kada batch. Kasama rin ang kanilang paalala na huwag magtapon ng basura at huwag mag-ingay upang hindi mabulabog ang mga hayop sa kuweba.—FRJ GMA Integrated News