Isang lalaki na nagpapakilala umanong pari ang ipinaaresto ng tunay na pari matapos na mapansin na kakaiba ang estilo nito ng pagmimisa sa Davao del Norte.

Sa ulat ni RGil Relator sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing walang naipakitang katibayan si Eljune Lumbo na isa siyang pari nang hanapan ng tunay na pari na si Rev. Father Danilo Dotollo.

Napag-alaman nang hindi pa nabibisto ang tunay na katauhan ni Lumbo, pinayagan pa siya ni Fr. Dotollo na makapagisa sa kanilang simbahan na Immaculate Concepcion Parish sa Island Garden City of Samal.

Pero napansin daw ni Fr. Dotollo na iba ang paraan ng pagmimisa ni Lumbo, at nakatanggap siya ng mga sumbong laban sa suspek.

"Naalarma ako dahil sa mga sumbong sa akin. Kaya sinabihan ko ang mga parokyano na ako na ang bahala sa kaniya [kay Lumbo], " sabi ni Fr. Dotollo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na tumatanggap din ng pera si Lumbo sa pagbibinyag at kumukuha rin umano ng parte sa offering kada misa.

Ayon kay P/Sr. Insp. Joselito Tan Jr., Investigation officer, Samal Police, ipinagtaka rin umano ng mga nagreklamo na nagmimisa si Lumbo sa lugar na hindi naman niya sakop.

Samantala, itinanggi naman ni Lumbo ang paratang sa kaniya at iginiit na isa siyang pari.

"Sa offering wala po kaming binibigay na sobre ako mismo na pari ay hindi po ako nagsasabi na bayaran ninyo ang pagserve ko kasi as a missionary nasa tao po yun kung willing," ayon kay Lumbo.

Haharap si Lumbo sa kasong paglabag sa Article 318 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa swindling at iba pang uri ng panloloko. -- FRJ, GMA News