Nasakote sa entrapment operation sa Pasig City ang isang kilabot umanong holdaper matapos niyang ipatubos sa isa niyang biktima na driver's license nito na kasama sa mga gamit na kaniyang tinangay.

Nang madala sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Gerard Navarro Melchor, 37-anyos, sunod-sunod nang nagdatingan ang kaniyang mga nabiktima," ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes.

Ang isang ginang na nabiktima ng suspek, hindi nakapagpigil at pinagsusuntok si Melchor.

Ayon sa biktima, na-trauma rin ang kaniyang anak dahil tinutukan sila ni Melchor ng baril nang holdapin.

Maging ang buntis, hindi rin daw pinaligtas at hinoldap din daw ng suspek.

Naghain din ng reklamo laban sa suspek ang isang 20-anyos na kahera na tinutukan din daw ng baril ng suspek.

Ayon sa mga awtoridad, inilatag nila ang follow-up at entrapment operation sa Barangay Caniogan matapos na ipatubos nito sa negosyante ang driver's license na naiwan sa wallet na tinangay ng suspek.

Nang maaresto si Melchor, isang baril-barilang airsoft gun ang narekober sa kaniya ng mga pulis.

"Ang mga kriminal natin ngayon gumagawa ng pamamaraan kung paano pa kumita. Hindi lang yung pagholdap tapos na," sabi ni Police Senior Superintendent Rizalito Gapas, hepe ng Pasig Police.

Inamin naman ng suspek ang ginawang krimen na nagawa raw niya dahil sa kawalan ng pera.-- FRJ, GMA News