Muling inatake ang nasa 17 na mga alagang bibe at itik gabi noong Biyernes ng hindi pa matukoy na salarin sa bayan ng Casiguran, Aurora.

Sa ulat ng "Balitanghali," sinabing nakaligtas ang ilang hayop na inatake, pero nakitaan ng mga butas sa leeg, dibdib, at likod ang mga alaga. Nasa 11 naman ang nawawala dahil sa pag-atake.

Palaisipan din sa mga residente ng Barangay Lual ang kung ano at sino ang may kagagawan sa mga pagpatay at pagkawala ng kanilang mga alagang hayop.

Hinala ng ilang residente doon ay isang aswang at hindi aso o pusa dahil sa dami ng napinsala.

Kaya nakakuha na ng "specimen" ang veterinarian-technician ng Department of Agriculture, na planong ipa-laboratoryo ang mga sample sa lalong madaling panahon upang matukoy kung ano umatake sa mga alagang manok at bibe.

Noong nakaraang buwan hindi rin nakaligtas ang isang biik na tinanggalan ng laman-loob, kasama na rin ang ilang bibe, itik, at manok.

Inaabangan na ng mga residente ang resulta ng laboratoryo. —LBG, GMA News