Kinagiliwan ng netizens ang isang video na makikita ang isang referee sa basketball game na may kakaibang pakulo kapag tinatawagan ng violation o foul ang mga manlalaro. Ang naturang referee, pangarap na makarating sa PBA.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, ipinakita ang naka-upload na video sa social media habang nagre-referee si Antonio Dalimpapas ng Calumpit, Bulacan.

Pero nang pumito na siya dahil may tinawagan ng violation o foul, bilang nag-tumbling at nag-split si Dalimpapas.

Paliwanag ni Dalimpapas, ginagawa niya ang pag-tumbling at split para pasayahin ang mga manonood sa liga ng basketball sa barangay.

Bukod dito, nais din niyang mapasaya rin ang mga manlalaro at mabawasan ang tensiyon ng laban para hindi sila mag-away.

Dahil sa gimik niya, dumami na raw ang mga nag-iimbita sa kaniya na mag-referee.

"Lagi nga po akong nire-request po, mga kapitan ng barangay," saad ni Dalimpapas, na 12 taon nang nagre-referee.

At ang kaniyang wish, "Makapag referee sa PBA."-- FRJ, GMA News