Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang dalawang madre sa US, na umano'y nagnakaw ng $500,000 (o P26.4M) at ipinangbiyahe at ipinangsugal nila sa Las Vegas, ayon sa pamunuan ang kanilang kongregasyon.

Sa ulat ng Agence France-Presse, kinilala ang dalawa na sina Sisters Mary Margaret Kreuper at Lana Chang, na umano'y matalik na magkaibigan.

Ang kabuuang halaga ay sinabing nakamkam ng dalawa sa loob ng ilang dekadang pagtatrabaho sa St James Catholic School sa Torrance, Los Angeles.

Sa pahayag ng Archdiocese of Los Angeles, sinabing natuklasan ang nawawalang pera sa isinagawang routine audit matapos mag-retire si Kreuper, na naging principal sa naturang paaralan sa loob ng 29 na taon.

Samantala, si Chang naman na guro sa loob ng 20 taon, gaya ni Kreuper, ay nagretiro din nang maaga nitong taon.

Ayon sa kongregasyon ng mga madre sa panayam sa AFP,  "As a religious community we will not defend the actions of our Sisters. What happened is wrong. Our Sisters take full responsibility for the choices they made and are subject to the law."

Dagdag ng pamunuan ng kongregasyon, pinaalis na ang dalawa sa kaniIang tirahan at inilagay sa isang religious house at pinagbawalan nang gumawa ng "public ministry."

"This has definitely been shocking to the entire school and parish community," pahayag sa AFP ni Adrian Alarcon, tagapangulo ng media relations office ng Archdiocese.

Inamin naman umano ni Kreuper at Chang ang kanilang ginawa at pinagsisihan na nila ito. —LBG/FRJ, GMA News