Bistado ang modus ng isang lalaki na nagpapabarya ng mga pekeng P1,000 at P500 sa peryahan sa Laguna nang mapansin na hindi siya sumasakay sa "rides."

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules," kinilala ang suspek na si Glennard Nicolas, 23-anyos.

Ayon sa Sta. Rosa police sa Laguna, pumasok ang suspek sa isang peryahan sa Barangay Malusak, at nagpapalit ng P1,000 para gawing tig-P100.

Pero nang napansin ng mga operator ng mga rides sa peryahan na panay lang ang papalit ng suspek pero hindi sumasakay, naghinala na sila kaya itinimbre sa mga awtoridad.

Inamin naman ni Nicolas na sa mga peryahan siya nagpapapalit ng mga pekeng pera dahil madali at hindi masyadong nasusuri.

Nabibili raw niya sa isang lugar sa Metro Manila ang mga pekeng pera.

Nakuha pa sa kaniya ang anim na piraso na pekeng P1,000 bill at isang pekeng P500 bill.

Nahaharap si Nicolas sa kasong estafa at illegal possession and use of counterfeit money.

Payo naman ni Police Superintendent Eugene Orate, hepe ng Sta Rosa Police, maging mapanuri sa mga pera dahil mas dumadami umano ang insidente ng pagpapakalat nito kapag panahon ng kapaskuhan.--FRJ, GMA News