Pinoproblema ngayon ng pamahalaan at mga residente kung papaano tutugunan ang pagdagsa ng mga unggoy sa lungsod ng New Delhi sa India.  Ang mga unggoy, bukod sa pumapasok sa mga bahay at gusali para maghanap ng pagkain, nang-aagaw din sila ng mga gamit na hawak ng mga tao na nasa kalsada tulad ng cellphone.

Ayon sa ulat ng Reuters, mayroon ding mga unggoy na "red-faced rhesus  macaques" na gumagala sa gusali ng mga mambabatas at iba pang tanggapan ng gobyerno.

“Very often they snatch food from people as they are walking, and sometimes they even tear files and documents by climbing in through the windows,” ayon kay Ragini Sharma, isang kawani.

Nagpalabas na ng abiso ang mga awtoridad kung papaano makaiiwas upang hindi atakihin ng mga unggoy. Kabilang dito ang hindi pagtingin sa kanilang mga mata, huwag silang lolokohin,  at lumayo sa mga ina na may kasamang anak.

Sinasabing nagtutungo sa lungsod ang mga unggoy dahil sa pagkasira ng kanilang natural na mga tirahan sa bundok bunga na rin ng nangyayaring pag-unlad.

Dahil itinuturing ng marami sa India na sagrado ang mga unggoy bunga ng paniniwala sa kanilang relihiyon, hindi nila ito sinasaktan at basta itataboy.

Marami rin ang nagbibigay ng pagkain sa mga unggoy kaya nananatili sila sa lugar.

“This socio-religious tradition of feeding has created a vicious cycle,” sabi ng ecology researcher na si Asmita Sengupta, kaya nawawala umano ang takot ng mga unggoy sa tao.

“They start actively seeking supplementary food and if we don’t feed them, they turn aggressive,” dagdag pa niya.

Noong 2007, namatay ang deputy mayor ng Delhi, S.S. Bajwa, nang itulak umano ng unggoy mula sa balkonahe. Isang bata naman ang tinangay at pinatay din umano ng unggoy noong nakaraang buwan sa Agra.

Sa ngayon, patuloy ang paghahanap ng mabisang paraan ang pamahalaan kung papaano itataboy pabalik sa gubat ang mga unggoy nang hindi sila nasasaktan.-- Reuters/FRJ, GMA News