Itataas ng Korean Air Lines Co Ltd ang singil nila sa refund ng mga pasaherong hindi tutuloy sa pagbiyahe. Ang dahilan, may mga fans na sumasakay ng eroplano para makapagpa-picture lang sa kanilang idolo at hindi na tutuloy sa biyahe, at hihirit ng refund ng kanilang plane ticket.

Sa ulat ng Reuters, sinabing tatlong tagahanga ng K-pop band na Wanna One ang sumakay sa eroplano patungong Seoul mula sa Hong Kong nitong Sabado.

Sa eroplano, tumanggi raw ang mga fan sa pakiusap ng mga flight attendant na maupo at sa halip ay nagpakuha ng larawan sa 11-member K-pop band.

Nang makapagpa-picture, bumaba ang tatlo bago makalipad ang eroplano.

“The fact is there were passengers who falsely checked in on the flight to see celebrities,” sabi ng isang Korean Air official sa Reuters.

Bagaman nakuha umano ng tatlong fan na nasa edad 20 ang kanilang refund sa mga ticket [maliban sa mga penalty], naantala naman ang biyahe ng 360 pasahero ng eroplano dahil kinailangan nilang bumaba at sumalang muli sa security screening, ayon sa pahayag ng airlines.

Dagdag pa ng kompanya, bahagi ng proseso sa paliparan na kailangang sumalang muli sa security screening ang mga pasahero kapag may mga pasaherong boluntaryong bumaba ng eroplano.

Ayon sa ulat, simula sa Enero 1, 2019, magdadagdag ng 200,000 won ($177) ang airlines ng penalty sa mga pasaherong hindi itutuloy ang kanilang international flights. —Reuters/FRJ/KG, GMA News