Isang lalaki na wanted sa panghahalay sa isang bata sa Pangasinan ang naaresto makalipas na magtago nang dalawang taon. Nadakip ang suspek nang pumayag itong makipag-eyeball sa ka-chat sa Facebook na ginamit na pain ng ina ng kaniyang biniktima.

Sa ulat ni CJ Torida ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing nagtago sa batas at nagtungo sa Maynila ang 30-anyos na suspek matapos na halayin ang walong-taong-gulang na anak ng kaniyang ka-live in sa Mangaldan.

Ayon sa tiyahin ng biktima, labis na trauma ang naranasan ng bata at natakot na sa ibang tao at madalang na ring pumasok sa paaralan.

Lingid sa kaalaman ng suspek, may kinasabwat na babae ang ina ng biktima na gumawa ng FB account at nakipag-chat sa lalaki hanggang sa mahulog ang loob nito.

Pumayag ang suspek na makipagkita sa babae sa labas ng simbahan ng San Fabian. Dito na inilatag ng Mangaldan police ang kanilang entrapment operation kung saan siya nadakip sa bisa na rin ng arrest warrant.

"Kinaibigan niya po ito sa pamamagitan ng Facebook, gumawa po siya ng fake account. Bale doon nag-chat sila ng dalawang taon hanggang sa puntong makikipag eyeball siya sa San Fabian." ayon kay Police Inspector Joel Jugal, duty officer ng Mangaldan Police.

"Meron po kaming ipinain na babae na maka-textmate niya. 'Yun kumagat din, nagkita sila ngayon sa harapan sa simbahan ng San Fabian kaya nahuli siya," sabi ng tiyahin ng biktima.

Humingi ng tawad ang suspek na aminado sa nagawang krimen sa bata.

"Humihingi po ako ng tawad sa kanila sa nagawa ko po sana po patawarin pa po nila ako. Siguro po dahil hindi po ako normal mag-isip nung panahon na 'yon," anang suspek.

Bukod sa rape, nahaharap din ang suspek sa kasong sexual assault, at 2 counts of child abuse. -- FRJ, GMA News