Nagmalasakit ang mga mangingisda sa Buruanga, Aklan na hatakin papunta sa pampang ang nakita nila sa laot na isang bangkang nakataob pero wala ang sakay na mangingisda.  Pero kahit anim na bangka na ang humahatak sa nakataob na bangka, hirap na hirap pa rin sila hanggang sa magulat sila nang madiskubre ang nakasabit dito na higanteng page o manta ray.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing patuloy na hinahanap ang 51-anyos na mangingisdang si Panfilo Tandog Jr., na sakay ng nakitang bangka na nakataob.

Linggo daw ng madaling araw nang pumalaot si Tandog sa sakop ng Barangay Tigom sa Buruanga. Pero nang lumiwanag, ang nakataob na bangka na lang niya ang nakita.

Naging palaisipan kung saan napunta si Tandog dahil buo naman ang bangka niya kahit nakataob na.

At nang hatakin na ng ibang mangingisda ang bangka ni Tandog, napansin nila na mabigat ito hanggang sa makita nila ang nasabit na page na tinatayang 10 talampakan daw ang lapad.

"Kulay itim siya na parang plywood na lumilipad, may sungay 'yun dalawa. Tapos mahaba ang buntot," paglalarawan ng asawa ni Tandog.

Hinala ng mga imbestigador, maaaring sumabit ang page sa lubit ng bangka na nakasabit sa angkla at nahatak nito pailalim ang buong bangka.

Tumulong na rin umano ang coast guard at municipal rescue team para hanapin ang nawawalang mangingisda.

Hindi naman nabanggit sa ulat kung ano ang nangyari sa dambuhalang page.--FRJ, GMA News