Malabo ang tubig, may makapal na burak at puno pa rin ng plastic ang ilalim ng Manila Bay nang silipin ito ng isang underwater drone. Kaya susunod na target na linisin ng gobyerno ang mga kanal, ilog at estero dahil dito nanggagaling ang mga basura.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang video ng underwater drone na inihulog sa Manila Bay sa bahagi ng Maynila malapit sa Roxas Boulevard.

Malabo na ang dagat dahil maraming nakalutang na dumi at lumot. Habang palalim, nag-iiba na rin ang itsura ng tubig.

Makapal na burak na ang sumalubong sa camera pagdating nito sa seabed sa lalim na 15 talampakan o limang metro, na kaunting galaw lang ay madali nang mabulabog.

Ipinatingin ng GMA News sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kuha ng underwater drone.

"We are expecting na ganu'n kadumi talaga 'yun. Pero dito pa lang sa pampang 'yan. Pero sa bandang gitna n'yan, hindi pa natin nakikita kung gaano karumi, kaya nga very alarming," sabi ni Atty. Jonas Leones, DENR USec. for Environment and International Environment Affairs.

Halos walang makitang buhay sa ilalim ng Manila Bay dahil sa maduming tubig, pero may mga isda pa rin naman sa mababaw na bahagi.

Sila ang mga pinagtitiyagaang hulihin ng mga mangingisda sa bahagi ng Roxas Boulevard.

Malinis pa ang tubig na nakuhanan, kumpara sa mismong harapan ng baywalk.

Wala pang isang metro, makapal na plastic na basura na ang sumalubong sa drone video, kahit tila malinis na sa ibabaw ng baywalk.

"Based nga sa nag-dive d'yan, nag-aral, tiningnan nila kung gaano kakakapal 'yung silt d'yan, parang mga four meters ang kapal eh, nag-accumulate 'yan for several years ago na," sabi pa ni Leones.

Ang harap ng baywalk ngayon ang pagtutuunan ng pansin ng mga dredging machine ng DPWH.

Apat na backhoe na ang kanilang ginagamit, ngunit matagal pa bago nila maabot ang orihinal na seabed ng Baywalk.

Iba't ibang uri rin ng gulong ang nahukay ng DPWH bukod sa mga karaniwang plastic.

Ayon sa Manila Bay Inter-Agency Task Force, hindi matatapos ang kanilang trabaho hangga't patuloy ang pagdaloy ng basura mula sa mga kanal, ilog at mga estero.

Sa Marso 31 nakatakdang isagawa ang isang malawakang paglilinis ng mga ilog at estero ng Manila Bay inter-agency task force sa buong Metro Manila, dahil dito nanggagaling ang mga basurang nakakarating sa Manila Bay.

Isang halimbawa ang Estero de Magdalena na punong puno na naman ng basura.

"'Yung inter-agency through the DILG has given directive to all barangay captains na they will be responsible for the cleaning up of this esteros and river systems, otherwise, appropriate sanctions and penalties can be given to them," ayon pa kay Leones. —Jamil Santos/JST, GMA News